Batang swindler: Grade 11-student arestado sa CamSur

114

ARESTADO ang isang estudyante na sangkot sa panghuhuthot ng pera sa entraptment operation sa Buhi, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Normito Janry Gerobin Colecha, 19 anyos, Grade 11 ng University of North Eastern Philippines sa lungsod ng Iriga, at residente ng Zone 1, Sitio Marayag, Barangay San Buena sa nasabing bayan.
Ayon kay Police Corporal Jonah Quien, tagapagsalita ng Buhi Municipal Police Station (MPS), agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad nang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa iligal recruitment at swindling activity ng suspek.
Nabatid din na 18 katao na ang nabiktima nito na karamihan senior citizens sa nasabing bayan.
Ayon kay Quien, nagpanggap si Colecha na isang abogado at empleyado ng Social Security System (SSS).
Sa report, modus ng suspek na hingian ng pera ang mga biktima kapalit ng garantiyang makakakuha agad ang mga ito ng UMID ID, maternity claims at pension sa senior citizens.
Kinukuha rin ng suspek ang mga ATM card ng mga biktima at pinangangakuan pang mabibigyan ng trabaho ang mga nabibiktima.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.