Sinovac, tinurok na sa mga senior citizens ng Maynila — Isko

592

INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na sinimulan ng turukan ng bakunang gawang China na Sinovac ang mga senior citizens sa kabisera ng bansa makaraang ipagutos ang suspensyon sa paggamit nito bilang bakuna sa mga nakatatanda kamakailan.

Sinabi ni Moreno na ang paggamit ng naturang bakuna na nauna ng ipinatigil na gamitin sa senior citizens ay nabigyang daan muli makaraang ikunsidera ng FDA ang mga rekomendasyon ng mga eksperto gayundin ang kasalukuyang sitwasyon kung saan mataas ang COVID-19 transmission at limitado ang available na bakuna.

Mismong si FDA director-general Dr. Eric Domingo ang nag-anunsyo na puwede ng gamitin ang Sinovac para sa senior citizen. Dati ay Astra Zeneca lamang ang pinapayagang gamitin sa mga may edad na.

Ipinagmalaki ni Moreno ang tagumpay ng vaccination program rollout sa loob ng dalawang sunod na araw na ginawa sa may 18 designated sites gaya ng orihinal na plano nila ni Vice Mayor Honey Lacuna noon pang Enero. Si Lacuna ang pinuno ng health cluster ng lungsod at siya ding punong abala ng programa bilang isang doktor.

Habang sinusulat ang balitang ito ay mayroon ng total na 52,084 frontline workers, senior citizens at indibidwal na may comorbidities sa ilalim ng kategoryang A1, A2 at A3 ang nabakunahan nang simulan ang vaccination program ng pamahalaang lungsod noong unang linggo ng Marso.

Matatandaan na noong Enero sina Moreno at Lacuna ay nag-anunsyo ng kanilang plano na makapagbakuna ng may 18K indibidwal kada araw o katumbas ng 540K kada buwan sakaling may steady supply na ng bakuna.

Sinabi ni Moreno na noong Huwebes, Abril 8, ay may 12,550 pamilya na ang nakatanggap ng P4,000 bawat isa bilang ayuda mula sa national government kaugnay ng pinaiiral na enhanced community quarantine.

Kaugnay nito ay pinasalamatan ni Moreno ang walang kapagurang pagsisikap nina Lacuna, ang mga kawani ng Manila Health Department sa ilalim ni chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan kaugnay ng vaccination rollout at gayundin ang mga kawani ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa ilalim ng hepe nitong si Re Fugoso na nagsimula nang magpamigay ng ayuda mula sa national government simula pa noong Martes ng hapon.

Muli ay nanawagan ang alkalde sa mga residente na magrehistro sa www.manilacovid19vaccine.ph para sa kanilang libreng bakuna.

Binigyang diin din nya ang pangangailangan na ipagpatuloy ang pagsusuot ng facemasks at face shields, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa physical distancing. (ANDI GARCIA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.