Advertisers
ISINIWALAT ng state witness na si Henry Alcantara, dating district engineer ng DPWH Bulacan 1st District sa kanyang testimonya sa Sandiganbayan Fourth Division ang pag-iral ng tinatawag na “in-house” contractors sa loob mismo ng kanilang tanggapan.
Ito ay para umano pondohan ang mga pekeng proyekto at magbigay ng kickback sa mga politikong sangkot sa kontrobersya.
Ang mga pinangalanang “in-house” contractors ay sina Brice Hernandez, dating DPWH Assistant District Engineer na subordinate ni Alcantara at co-accused sa kaso kasama si Jaypee Mendoza, isa pang dating DPWH Assistant District Engineer na kasama rin sa mga akusado.
Sinabi ni Alcantara, hindi direktang pribadong kompanya ang gumagawa ng proyekto. Sa halip, ang kanyang mga tauhan mismo ang nagsisilbing contractor sa pamamagitan ng paghiram ng lisensya ng pribadong contractor gaya ng SYMS Construction Trading kapalit ng 3% “royalty fee”.
Si Hernandez at Mendoza ang naglalabas ng advance payment o paunang pondo. Ang perang ito ang ginagamit na “kickback” o commitment fee para sa mga proponent ng proyekto, partikular na sa mga mambabatas.
Inamin din ni Alcantara na dumarating sa punto na maging siya ay nagpapautang ng kapital kina Hernandez at Mendoza para mapondohan ang sistemang ito.
Ang testimonya ni Alcantara ay bahagi ng paglilitis sa graft case laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at iba pang opisyal hinggil sa umano’y P92.8-million “ghost” flood control project sa bayan ng Pandi, Bulacan.