Advertisers
Ni MELCHOR M. BAUTISTA
KAILANMAN ay hindi naging isyu sa mag-inang Vilma Santos at Luis Manzano ang sitwasyon na nung magbinata na ang magaling na TV host ay maagap nitong naging desisyon ang bumukod ng tirahan. Kahit sabihin pang makulit at napaka-sweet ng Star for all Seasons sa kanyang mga anak.
Isa sa mga unang naipundar na bahay ni Vilma ay ibinigay na kay Luis. Ramdam daw agad ng premyadong aktres na ang panganay niyang anak ay marami nang gustong gawin at patunayan sa kanyang buhay.
“Nagulat ako sa anak ko. Marunong magdesiyon sa buhay. Kamukat-mukat ko, nagnenegosyo na pala, at gumanda ang career,” wika ni Congresswoman Vi.
“Malambing na makulit si mommy. Pag andyan siya, paulit-ulit ang tanong. Kung may gusto daw akong kainin? Kung nagugutom ba ako? Magpapabili daw siya kung anong gusto kong kainin. Ganun ang mom ko,” ani Luis.
Kuwento din ni Luis, “Si mommy kasi, magmula nang ipanganak at lumaki ako, sa house namin ay napakaraming tao lagi. Mga tatlumpu, gano’n.”
Mahalaga para kina Vilma at Luis ang communication, lalo na kung nasa Batangas ang premyadong aktres. “Kung hindi kami magkita ng anak ko, halos araw-araw naman ay nagkakausap kami. Kailangan magkabalitaan naman. Hindi puwedeng mawala ‘yon,” sey ni Ate Vi.
***
HINDI puwedeng kuwestiyonin ang kasipagan ni Joed Serrano para mapaunlad ang kanyang pagkatao mula pa sa kanyang pagkabata hanggang sa pasukin ang showbiz na itinuturing niyang lugar na nagsimula siyang mas lalo pang magsikap.
Para kay Joed ay sapat na ang karanasan na ibinigay sa kanya ng showbiz. Bilang artista ay naging bahagi siya noon ng programang “That’s Entertainment” ng yumaong TV host na si German Moreno. Naging contract star din siya ng Seiko Films. Ngayon ay producer na siya ng Godfather Production.
Matagumpay na ngayon si Joed bilang negosyante. Mahal niya ang showbiz kaya narito pa rin siya. Tanggap niya na nahirapan siya noon na sumingit sa kasikatan ni Romnick Sarmenta. “Hindi ako yumaman sa pag-aartista. Ewan ko lang kung si Romnick ay yumaman sa pag-aartista,” banggit niya.
***
WALANG pagsidlan ng katuwaan ni Ruffa Gutierrez dahil kakatapos lang maka-graduate ng high school ang panganay niyang anak na si Lorin Gutierrez Bektas.
Wala siyang pangarap kundi matapos ng kanyang panganay ang pag-aaral. Aprubado rin sa kanya kung pasukin man ng bagets ang showbiz, lalo pa’t star material din ang byuti nito.
Wish din ni Ruffa na bilang panganay niyang anak ay maging katulad din niya si Lorin na strong ang personality. Lahat ng magkakapatid na naging anak nina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez ay nagpapatunay na bilang panganay na kapatid ay mataas ang respeto nila kay Ruffa dahil sa laki ng nagawa ng dating beauty queen sa kanilang pamilya.
Parang nasa cloud nine ang pakiramdam ni Ruffa bilang mommy kapag nakatatanggap siya ng mga pasukdol na papuri na pang-beauty contest ang hitsura ng napakaganda niyang anak. Ipinagpapasalamat niya na lumaki sina Lorin at Venice na mababait na anak. Heaven na raw iyon para sa kanya at sobrang inspirasyon sa kanyang buhay.