Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
SUNUD-SUNOD ang mga dumarating na projects ngayon kay Jao Mapa.
Kahit may pandemic, dinadagsa ng proyekto si Jao. This year, unang sumabak ang aktor sa sitcom na pinamagatang Puto na napapanood sa TV5. Ito’y pinagbibidahan nina Herbert Bautista, McCoy de Leon, at iba pa.
Nabanggit ni Jao na noong simula ay medyo nangapa pa siya sa muling pagsabak sa comedy.
Sambit niya, “Medyo nangangapa pa ako noong una, pero lumuwag noong tumagal-tagal, made me miss doing comedy for a long time. In the end I was proud of myself, I was able to shoot three episodes in one day and enjoyed and had lots of fun doing it.”
Mula rito, sabay-sabay din dumating ang movie offers sa dating Guwapings member. Katatapos lang gawin ni Jao ang pelikulang Kung Hindi Man. Ito ang masasabing biggest project niya so far mula nang naging active ulit siya sa showbiz. Dito kasi ay nagbalik sa estadong lead actor o bida si Jao.
Kasama niya sa pelikulang handog ng Viva Films at Mesh Lab sina Rhen Escaño, Gwen Garci, Melvin Lee, Angie Cantero Castrence, Raul Morit. Ito ay mula sa pamamahala ni Direk Yam Laranas.
Si Jao ay napasabak sa erotic-drama-love story na tema ng istorya sa pelikulang ito. Nabanggit niya ang papel na ginampanan dito.
Aniya, “I play Peter, whose fiance is Giselle, played by Gwen Garci. I get into an affair with Mia, Rhen’s character.”
Nagpa-sexy ba siya sa pelikulang ito o sumabak sa daring scene?
Esplika ng aktor, “Well, ang masasabi ko lang, yung karakter ko ay natukso kay Mia, pero si Peter pa ang nagpupumiglas at nagsasabi na mali lahat ng ginagawa nila.”
Dagdag pa ni Jao, “Iyong sa amin ni Rhen na movie ay tapos na, currently at the final phase na ito. Bale, sometime September ang release ng pelikulang Kung Hindi Man, only at Viva Max.”
Ano ang reaction niya na bida na siya ulit sa pelikula? Iyong iba kasi, hindi nabibigyan ng ganyang chance na makabalik pagkalipas ng maraming taon?
Masayang saad ni Jao, “Blessings kuya, kaliwa’t kanan na nabiyayaan ng Panginoon nang limpak-limpak na blessings.”
Bukod sa sitcom at pinagbibidahang pelikula, mapapanood din very soon si Jao sa historical movie na Balangiga 1901. Ito ay tinatampukan nina Ejay Falcon, Jason Abalos, Richard Quan, Ricardo Cepeda, Marina Benipayo, Rob Sy, Jeffrey Santos, Ramon Christopher, Emilio Garcia, at iba pa.
Ayon pa kay Jao, ang next na gagawin niyang pelikula ay ang Mohammed na ang simula ng shooting ay middle of August. Bukod kay Jao, tampok dito sina Emilio Garcia, Ramon Christopher, Richard Quan, Jeffrey Santos, Rob Sy, Mickey Ferriols, Jana Victoria, Bugoy Cariño, at iba pa. Ito’y pamamahalaan ni Direk Errol Ropero.