Advertisers
SINABI ng Department of Health (DOH) na isasama na ang mga buntis sa priority groups ng COVID-19 vaccination sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na rerebisahin nila ang kanilang existing guidelines upang maisama ang mga buntis sa kanilang Expanded A3 group.
“We will be revising our existing guidelines for pregnant women based on these recommendations and to indicate that they are now part of Expanded A3,” pahayag ng DOH.
“Based on the recommendations of our experts, COVID-19 vaccines are generally safe for pregnant women and getting vaccinated against COVID-19 is actively recommended during the second or third trimester,” ayon sa DOH.
Maaari rin naman na bakunahan ang high-risk pregnant women na sa kanilang unang trimester ngunit kinakailangang naipaliwanag sa kanila ng mabuti ang mga benepisyo at mga panganib nito.
Dapat din na mayroon silang medical clearance mula sa kanilang mga doktor.
Sinabi ng DOH na lahat ng bakunang available sa bansa ay maaaring gamitin sa mga buntis, maliban na lamang sa Sputnik V ng Gamaleya.
Noong Miyerkules ay una nang inirekomenda ng US Centers for Disease Control and Prevention na ang mga buntis at mga nagpapasusong ina o breastfeeding mothers ay dapat na ring bakunahan matapos lumitaw sa bagong analysis na wala naman itong increased risk ng miscarriage. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)