Advertisers
Ayaw ba ng Lakers o inayawan sila ni Chris Paul?
Si Paul ay pwede sana mag-opt out sa Phoenix upang maging unrestricted free agent.
Batid naman na matalik siyang kaibigan ni LeBron James gaya ni Carmelo Anthony at pangarap nila magsama sa isang koponan bago sila magretiro.
Hindi ba pwedeng-pwede siya alukin at pumayag ang may suot ng jersey number 3 ng Suns? Walang kumplikasyon.
Pero ang Los Angeles ay may problema sa sitwasyon. Hindi kakayanin ang suweldo ng lider ng NBAPA kung hindi makakasama sa isang trade sina Kyle Kuzma, Kentavious Caldwell-Pope, Montrez Harrell para sa katumbas na salary. O eh di sana sign and trade ang kasunduan.
Maaaring wala ng kilos hinggil dito sina GM Rob Pelinka o kung mayroon naman ang point guard ng Phoenix ang mismong tumanggi na maging bahagi ng Lakers. Maaari rin umayaw ang Suns sa arrangement.
Wala kasing nagsasalita sa dalawang kampo hinggil sa isyu. Imposible naman na hindi man lang nila ito nakonsidera.
Ang nangyari tinanggigan na ni Chris ang player option nguni’t pumirma ng bagong apat na taon na kontrata sa Suns.
Ayon kay Pepeng Kirat ay mas bagay daw kasi si Russell Westbrook sa paborito niyang team dahil mas bata ito ng apat na taon kay Paul. Matagal pang pakikinabangan eka nga. Kaso mas mahusay naman na hindi hamak si Chris kaysa Russell.
Higit ding swak sa LA ang mahusay na player. Bukod sa mas may tira sa loob at labas ay may court generalship pa.
Nguni’t ang gusto ng Lakers ay win now eh. Di dapat si Paul nga ang talagang pinuntirya.
Ano naman itong balita na pinabulaanan ni Damien Llilard na may magaganap na palitan sa pagitan ng LA at Portland at siya ang central character? Posible bang Llilard kahalili ni Westbrook? Ano ba yan, lalong gumulo! Hehehe!
***
Tutukan mamaya ika-10 ng umaga ang Boomers’ Banquet sa Facebook Live at You Tube. Espesyal na mga bisita natin ang mga Olympian na sina Freddie Webb at Akiko Thompson pati ang mga kakagaling lang ng Tokyo na sina ref Bong Pascual at PDI Sports Editor Francis TJ Ochoa. Makakapiling din namin nina George Boone at Bob Novales si Boyet Sison.
Tatalakayin natin ang mga karanasan ng mga panauhin at ang resulta ng palaro sa Tokyo sa tuwing apat na taong sports spectacle. Tune in na!