Advertisers

Advertisers

Mahal pumanaw na sa edad na 46 dahil sa Covid

0 323

Advertisers

Ni JULIET Q. PACOT

SUMAKABILANG-BUHAY na ang diminutive comedienne na si Mahal o Noemi Tesorero sa tunay na buhay,  sa edad 46 noong Martes ng hapon, August 31, 2021.

Kinumpirma mismo ito ng nakababata at U.S.-based sister ni Mahal na si Irene Tesorero.



Namatay si Mahal sa sakit na  “gastro illness” at COVID-19  sa isang ospital sa Batangas na sa bahay pa lang ay nakaramdam na ng hirap sa paghinga.

Noong araw ring iyon pagsugod sa ospital natuklasang positibo siya sa coronavirus.



Nabatid na sa Tanauan, Batangas na naninirahan si Mahal kasama ang kaibigang  si Mygz Molino.

Nabigla ang pamilya ni Mahal sa bilis ng mga pangyayari.



“Nasa Batangas siya, kay Mygz,” umiiyak na sabi ni Irene.

“Nandoon na sa Batangas ang kapatid ko na si Lany. Nang tawagan nila ako, nasa ospital na si Mahal.

“Namatay siya kaninang alas-kuwatro ng hapon. May covid siya at gastro.

“Sa edad niya saka sa dwarfism niya, so far, talagang nasa high risk na siya ng Covid.

“Kanina lang nalaman na may Covid siya, hindi napa-test.

“Sabi ko sa kapatid ko, kay Lany, ‘Wala nang sumbatan, iuwi mo na si Mahal sa atin.'”

Dagdag pa ni Irene, “Kamamatay lang ng tatay namin, dalawa na ang ililibing ko.

“Yung abo ni Papa, nasa bahay pa, tapos ngayon si Mahal.”

Pumanaw ang ama ni Mahal na si Romy Tesorero noong August 5, 2021, sa edad na 74.

Hindi raw pwedeng i-travel ang body ni Mahal sa Manila kaya cremation ang gagawin sa kanya.

“Kailangan siyang i-cremate and then later, we will post ‘yung wake niya kasi ang daming nagre-request na magpaalam sa kanya.”

Hindi makakauwi si Irene para sa burol ni Mahal dahil nasa Cleveland, Ohio siya.

“Kanina lang sinabi nu’ng malala na ‘yung kalagayan ng kapatid ko. Kaya sabi ko, wala nang sumbatan.

“Iuwi na lang sa amin si Mahal…”

Labing-apat na taon nang naninirahan si Irene sa Amerika, may-ari siya ng restaurant sa Cleveland, ang Honeybees. May kapatid sila ni Mahal na pulis na nakadestino sa Palawan.

Maayos ang pamumuhay ng pamilya ni Mahal, at kayang-kaya itong buhayin ng kanyang mga kapatid pero siya lang daw talaga ang may gusto na magtrabaho.

Isinilang si Mahal noong December 29, 1974. Ipagdiriwang sana niya ang kanyang ika-47 kaarawan ngayong taon.

Wala pang isang buwan nang dumalaw si Mahal sa kaibigang si Mura na naninirahan sa Bicol at personal siyang nag-abot ng tulong-pinansyal at groceries sa katulad niyang komedyante.