Advertisers
Binigyang diin ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat palakasin ang regulasyon o paghihigpit sa pagbibili o pagbebenta ng vapes at electronic cigarettes na naglalabas ng nakalalasong sangkap para maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Iginiit ni Go sa Senado na maingat na ikonsidera ang potensiyal na epekto ng e-cigarettes sa kalusugan ng mga tao kaya dapat na higpitan ang mga produktong nagtataglay ng nakalalason o nakaaadik na sangkap.
“Kapakanan ng bawat Pilipino at ang kalusugan nila ang ating pangunahing konsiderasyon dito. We need regulations against products that may contain or emit potentially toxic substances or highly addictive substances which are harmful to our health,” ani Go.
“We should not allow the unregulated use of these products and … (its easy) access by minors. I echo the advice of health experts for the public to refrain from using vapes or e-cigarettes as the knowledge on the products is still limited. Nararapat lang na pag-aralan natin ito ng mabuti,” babala niya..
Inihain noong December 2020, ang Senate Bill No. 1951 o ang Vaporized Nicotine Products (VPNs) Regulation Bill ay naglalayong higpitan ang importasyon, paggawa, pagbebenta, packaging, distribusyon, paggamit, patalastas, promosyon at pag-iisponsor ng electronic nicotine delivery systems (ENDS) para mabawasan ang panganib ng paninigarilyo.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, tinanong ni Go ang sponsor ng panukala na si Sen. Ralph Recto, kung mas nakaaadik ba sa nicotine ang vapes o e-cigarettes lalo’t ang ENDS ay sinasabing “less harmful alternatives”.
Natuklasan sa pag-aaral na ang ENDS users ay mas nahihimok maging cigarette smokers.
Sinabi ni Go na sa bagong global systematic review, ang mga adolescents na gumagamit ng ENDS ay mas nauuwi sa paggamit ng conventional cigarettes.
Ibinabala ni Go ang potensyal na panganib na isinisisi sa mga nasabing produkto, lalo’t nagkaroon ng outbreak ng lung injuries sa United States noong 2019 dahil sa paggamit ng mga ito.
Binigyang halaga ang pag-aalala ni Sen. Go sa epekto nito sa kabataan, tiniyak ni Sen. Recto na sa kanyang panukala ay maparurusahan ang nagbebenta ng ENDS products sa menor-de-edad kaya iniaatas na beripikahin muna ang edad ng mga bibili.
“Kung pinapasok ang nicotine sa katawan at may mga pag-aaral na maaaring may masamang epekto ang mga ito sa katawan, sa aking palagay po ay dapat may role ang FDA (Food and Drugs Administration) sa pag-regulate nito,” ani Go.