Advertisers
Nagbabala ang lungsod ng Muntinlupa na sususpendihin nila ang scholarship ng mga estudyanteng susuway sa curfew na ipinatutupad sa siyudad.
Sa kabilang banda naman hindi rin makakaligtas sa nasabing patakaran ang mga non-scholars dahil may multa itong P300 kapag nahuling sumusuway din sa curfew rules.
Matatandaang sa buong Metro Manila, ipinatutupad ang 10pm hanggang 4am na curfew hours habang nakapaloob ang capital region sa Alert Level 4.
Kapag nahuli, ang mga iskolar ng siyudad ay bibigyan ng matinding babala, ngunit sa ikalawang pagkakataon tigil na ang scholarship nito mula sa lokal na gobyerno.
“Second offense violations shall be suspended for one academic year and shall sign an undertaking for their strict compliance to curfew rules,” ayon sa Muntinlupa LGU.
Sa ngayon, nasa 70 estudyante ang nahuling lumabag sa curfew hours kung saan anim sa mga ito ang nahuli sa ikalawang pagkakataon kaya naman binawi na ang kanilang scholarship.
Umapela naman si Mayor Jaime Fresnedi sa mga magulang ng mga menor de edad na gabayan ang kani-kanilang mga anak.