Advertisers
Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng Lucena, Quezon ang mag-asawa sa pagbebenta ang pekeng Covid-19 RT-PCR, at antigen negative test results sa Sariaya, Quezon, noong Martes ng gabi.
Kinilala ng NBI Lucena City, ang mga suspek na sina Sheila Marcuap at ang asawa nitong si Kim Lester Ella.
Nagmamay-ari ang mga suspek ng isang kainan sa gilid ng Maharlika Highway sa Barangay Balubad sa Sariaya, na malimit umanong na dinadagsa ng mga customer.
Kadalasang mahaba ang pila ng mga sasakyan sa labas ng kainan. May mga kumakain sa restaurant habang ang iba naman ay naghihintay nalang sa van.
Hindi mo aakalaing naghihintay pala ang mga ito sa kanilang ipinapagawang RT-PCR at antigen negative results.
Naaktuhan ng NBI ang pag-aabutan ng perang ibinayad ng isang nagpagawa at mga pekeng RT-PCR at Antigen mula kay Sheila.
Sa report. ginagawa ang transaksyon sa likod na bahagi ng kainan. Nahuli din sa akto ang pagpi-print ni Sheila ng iba pang RT-PCR at antigen test tesult.
Ayon kay Dominador Villanueva III, Director ng NBI Quezon, maraming impormasyon na nakuha ang mga asset ng NBI na mayroong nagaganap na bentahan ng mga pekeng RT-PCR at antigen negative result sa isang restaurant sa Sariaya.
Karamihan sa mga tumatangkilik dito mga van drivers at passengers na nagtutungong Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Sorsogon at iba pang lugar sa Bicol.
Nakumpirma ng NBI na peke ang mga dokumento dito matapos isagawa ang mga test buy. Nag-iisyu ng negatibong result ng RT-PCR at antigen ang mga suspek ng walang nangyayaring swab testing o pagkuha ng specimens.
Isang laboratory din sa Quezon City ang pinuntahan ng NBI Lucena upang mag-verify kung totoong galing sa kanila ang mga RT-PCR result, subali’t pinabulaanan ito ng laboratory.
Ang mga nakuhang pekeng RT-PCR at antigen test result mula sa mga suspek mga nakapangalan sa iba’t ibang laboratory sa Region 4A, at National Capital Region.
Ayon sa NBI, hindi mo mahahalatang peke ang mga ginagawang RT-PCR at Antigen result ng mga naaresto dahil may mga QR Code din ito na kapag na-scan lalabas ang pangalan ng clinic.
Binabago din ng mga suspek ang mga contact number sa certification nang sa gayon kapag tinawagan ito ng mga tao sa mga checkpoint may sasagot at magpapatunay na totoo ang papeles.
Mula sa Maynila patungong Bicol, nagbabayad ng P2,500 hanggang P3,000 ang mga pasahero. Package na ang tawag nila dito. Kasama na sa bayad ang fake na RT-PCR o antigen negative test result.
Isang van driver naman ang tumakas habang nagsasagawa ng operasyon ang NBI. Iniwan nito ang kanyang mga pasaherong magtutungo sa Bicol. Ang mga pasaherong ito lahat nagbayad para sa negative RT-PCR at antigen test result.
Kalaunan, dumating sa NBI Lucena, 1:00 ng umaga ang tumakas na driver na kinilalang si Rexon Jay Gala.
Ayon sa dalawa sa mga pasahero ni Gala, hindi nila alam na peke ang ibibigay sa kanila. Nagtaka daw sila kung bakit sila bibigyan ng resulta samantala hindi naman sila dumaan sa swab test.
Nasa kustodiya ngayon ng NBI ang mag-asawang naaresto.