Advertisers
UMAPELA ang National Press Club (NPC) sa mga miyembro ng Senado nitong Biyernes, na umaksiyon sa nakabinbing panukalang batas na isinapinal ng Kongreso na naglalayong protektahan ang lahat ng manggagawa ng sektor ng pamamahayag.
Sa isang pahayag na inilabas ng NPC, sinabi ng grupo na ang panukalang batas na Media Workers’ Welfare Act (MWWA) na ipinasa na ng Kongreso ay naipadala na sa Senado upang maisabatas na ito, subalit dumaan na ang maraming buwan ay wala pa ring aksiyon ang mga senador.
“Marami sa mga media ay nadidismaya na at tinatanong ang NPC kung bakit inaamag na ang panukalang batas sa Senate Committee on Labor na pinamumunuan ni Senador Joel Villanueva,” ang pahayag ni Paul M. Gutierrez, Pangulo ng NPC.
“Kami ay dismayado rin na sa kabila ng maraming oras na ginugugol ng Senado sa pagiimbestiga ng umanoy korupsiyon sa Ehekutibo at dinadaluhan ng halos lahat ng ating mga senador, ang nag-iisang panukalang batas para sa proteksiyon at kapakanan ng hanay ng media ay inaagiw sa Senado,” dagdag pa ni Gutierrez.
Ang tila pagpapabaya ng komite ni Villanueva aniya, ay mas nakapanglulumo dahil mismong si Senate Presidet Vicente “Tito” Sotto ang may akda ng bersiyon ng Senado sa panukalang batas, ang Senate Bill 8120 na isinumite nito isang taon na ang nakalilipas (September 9, 2020).
Sa pamamagitan ng kinatawan ng ACT-CIS partylist at dating broadcast journalist na si Rep. Niña Taduran, ang MWWA, sa ilalim ng House Bill (H) 2476, ay naipasa ng Kamara noong January 18, 2021. Ngunit di na ito gumalaw o natalakay magmula ng maipadala ito sa Senado partikular na sa komite ni Villanueva.
“Dahil sa kritikal na ginagampanang papel ng mga miyembro ng media sa lipunan, lalo na sa panahon ng pandemya kung saan ang iba naming kasamahan ay di lamang nahawaan kung di namatay pa ang iba dahil sa virus na COVID-19, ang tangi lamang na maitutulong ng ating mga mambabatas ay aksiyunan ang panukala upang maisabatas ito, na matagal na dapat naisakatuparan,” ang paliwanag pa ni Gutierrez.
“Kami ay nanawagan, umaapela sa patas na pagpapasya ng ating mga senador upang mabilis na matalakay at pagsasabatas ng media workers welfare bill,” dagdag pa ng opisyal ng NPC.