Advertisers
Nangako ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulungan nila ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula Kuwait nang makaranas ng pagmamaltrato sa kanyang mga amo at niloko pa ng mga kapwa Pilipino.
Kinilala ang OFW na si Maribel Cantillo, tubong Aurora.
Ayon kay Cantillo, dalawang taon siyang nagtrabaho bilang domestic helper sa Kuwait at ni minsan hindi siya pinayagan ng kanyang amo na mag-day-off.
Bukod dito, hindi siya binabayaran nang tama, kung saan sa halip na P43,000 kada buwan nasa P8,000 lamang ang binabayad sa kanya.
“Marami po akong ano sa kanya. Mayroon ‘yong itinulak niya ako sa hagdan – buti po, nasalo ako. Mayroon ‘yong sabuyan ka ng tubig. Marami po akong ano doon pero hindi po ako nagsalita. Tiniis ko lang po,” kuwento ni Cantillo.
Maging bago umuwi ng bansa si Cantillo hindi man lang binigyan ng pagkain bago umalis.
May mga nagmagandang-loob na kapwa Pinoy at tinulungan siya habang nasa gitna ng biyahe pauwi ng bansa. Ang problema, ilang kapwa OFW ang ninakaw ang mga perang binigay kay Cantillo habang nasa gitna ng Covid-19 quarantine pagkauwi sa Maynila.
Kaya naman nangako ang OWWA na ‘di nila pababayaan si Cantillo.