Advertisers
MATAGUMPAY ang isinagawang unang araw nang pagbabakuna laban sa COVID-19 ng Department of Health (DOH) para sa mga kabataang may comorbidities o yaong sakop ng ‘Pediatric A3 group.’
“Naging matagumpay po iyong simula ng vaccination rollout for our pediatric population with comorbidities kahapon,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa Laging Handa briefing.
“Wala po tayong na-i-report na untoward, adverse reaction among these [vaccinated] children,” aniya pa.
Una nang iniulat ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na umabot sa 1,151 kabataan at naturukan nila ng bakuna nitong Biyernes, Oktubre 15, na siyang unang araw ng vaccine rollout para sa mga batang may comorbidities.
Idinaos ang pagbabakuna sa mga kabataan sa walong ospital sa Metro Manila, na kinabibilangan ng National Children’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, Fe Del Mundo Medical Center, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Philippine General Hospital, St. Luke’s Medical Center BGC, at Makati Medical Center.
Unang binakunahan ang mga batang nasa 15 hanggang 17 taong gulang habang isusunod naman yaong nasa 12-14-year-old age bracket.
Kabilang sa mga kuwalipikado para unang mabakunahan ay yaong kabilang sa Pediatric A3 group, o yaong may comorbidities gaya ng medical complexity, genetic condition, neurologic conditions, metabolic o endocrine diseases, cardiovascular diseases, obesity, HIV Infection, tuberculosis, chronic respiratory disease, renal disorders, at hepatobiliary disease, at yaong mga immunocompromised dahil sa sakit o pinagdaraanang gamutan.
Sa pagtaya ng DOH, tinatayang mayroong 1.2 milyong kabataang nagkaka-edad ng 12 hanggang 17-taong gulang, na may comorbidities sa buong bansa. (ANDI GARCIA)