Advertisers
SINABI ni Dr. Guido David, ng independent monitoring group na OCTA Research, nitong Lunes, na nakapagtala na lamang ang National Capital Region (NCR) ng -1% na COVID-19 daily growth rate.
Ayon kay David, nangangahulugan itong ang naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon ay maaaring bumababa na, ngunit nilinaw na ang naturang trend ay nangangailangan pa rin ng balidasyon sa mga susunod na linggo.
“NCR Daily Growth Rate now at -1%. NCR new cases could be decreasing but trends need validation in the coming week,” pahayag pa ng eksperto, sa kanyang Twitter account.
Sinabi ni David na base sa bulletin ng Department of Health (DOH), ang NCR ay nakapagtala na lamang ng 15,959 bagong COVID-19 cases noong Enero 16, 2022.
Ito aniya ay mas mababa kumpara sa mga naiulat na numero sa nakalipas na apat na araw.
Ang daily growth rate ng 7-day moving average ay bumaba rin sa -1%, na lamang o nakikitaan na ng negative growth.
“The growth rate over the past four days, in order, were 11%, 5%, 3% and 2%,” ani David, sa datos na ibinahagi niya sa kanyang Twitter account.
Iniulat pa niya na ang reproduction number sa NCR ay lalo pang bumaba at umabot na lamang sa 2.67, mula sa peak na 6.16, may 11-araw ang nakakalipas.
Ang reproduction number ay ang bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan. (Andi Garcia/Vanz Fernandez)