Advertisers
Dahil sa matinding selos, pinagsasaksak at pinatay ng 33-anyos na lalaki ang kanyang ka-live in na overseas Filipino worker (OFW) sa Sipalay City, Negros Occidental noong nakaraang Lunes, Enero 17.
Kinilala ang biktima na si Enelisa Petua, 30-anyos, residente ng Purok 3, Barangay 2 sa bayan ng Sipalay. At ang salarin kinilalang si Jhondad Sase, 33, na kinakasama ni Enelisa.
Sa report, kababalik lamang ni Enelisa sa Pilipinas galing sa Middle East may isang buwan pa lamang ang nakakaraan.
Mayroon dalawang anak ang biktima at salarin subali’t magkahiwalay na sila ng tirahan nang maganap ang krimen.
Ayon kay Police Maj. James Latayon, Sipalay City police chief, pinuntahan ni Sase ang boarding house na tinutuluyan ni Enelisa noong Lunes.
Kinompronta ni Sase si Enelisa dahil sa pakikipagmabutihan nito sa isang foreigner na naging chatmate nito. Nauwi na umano sa trahedya ang pagseselos ni Sase nang mas piliin pa ng biktima ang kanyang chatmate kaysa sa ama ng kanyang mga anak.
Sa tindi ng galit nang marinig na mas pinapaboran ng biktima ang dayuhang chatmate, paulit-ulit na pinagsasaksak ng ni Sase si Enelisa na siya nitong ikinamatay.
Naaresto naman si Sase na ngayon nahaharap na sa kasong pagpatay.