Advertisers
Aabot sa P2 milyon halaga ng shabu ang nasamsam mula sa tatlong katao kasama ang isang nominee ng party List at menor de edad sa isinagawang buy bust operation sa Dasmarinas City, Cavite Lunes ng hapon.
Kinilala ni NBI Director Eric Distor ang mga naaresto na sina Asrap Kamad Kasan Datu (ASRAP), Partylist nominee ng Peoples Volunteer Against Illegal Drug (PVAID) (Number 39); Jerklie Abdulkarim (Datu); at isang 17-anyos (Tato) na menor de edad.
Sa ulat ng NBI-TFAID, nakatanggap ng impormasyon noong January 23, na may ibebentang shabu si Datu na nagkakahalaga ng P900,000 sa informant dahilan upang magsagawa ng buy bust operation.
Nitong Jan. 24, nagkasundo si Datu at ang informant na susunduin nito ang isang kaibigan na kinilalang si Asrap sa isang lugar sa Roxas Boulvard sa Pasay City bago sila tumuloy sa Dasmarinas City.
Sakay ng isang Nissan Sentra na minaneho ng isang operatiba ng NBI-TFAID, sinundo nila si Asrap at nagtuloy sa Paliparan III, Dasmarinas City, Cavite at dito ibibigay ang P900,000 halaga ng shabu.
Pagdating sa lugar, pumasok sa sasakyan ang kausap ni Datu na si Tato at iniabot kay Asrap ang isang maliit na kahon na naglalaman ng shabu.
Inaresto ang mga suspek ng pinagsamang puwersa ng NBI-TFAID, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at e PNP-Cavite Provincial Office.
Nakuha kina Datu, Asrap at Tato ang 293.5185 gramo ng shabu na may street value na P199,800.
Kinokondena naman ng People’s Volunteers Against Illegal Drugs ang pagkakadawit ni Abdulkarim.
Magkakaroon daw sila ng internal investigation at makikipagtulungan sa NBI.
Dinala muna sa DSWD ang suspek na menor de edad, habang kulong ang 2.
Kasong paglabag sa Secs. 5 and 11 of RA 9165 (The Comprehension Dangerous Drug Act of 2020) ang kinakaharap ng mga suspek.(Jocelyn Domenden)