Advertisers
MARIING itinanggi ng NBI na may ginagawa silang case build up laban kay Caloocan City 2nd District Congressional candidate Mitch Cajayon-Uy.
Sa pahayag ng isang opisyal ng NBI sa kondisyon hindi babanggitin ang kanyang pangalan sa media, aniya, wala silang natatanggap na anumang reklamo laban kay Cajayon-Uy na may kinalaman umano sa maanomalyang distribution ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at DOLE.
“As of now, as far as NBI is concerned wala pa ganitong reklamo nakakarating sa aming opisina laban sa kanya, (Cajayon), kaya maari biktima siya ng fake news ngayong halalan,” wika ng opisyal.
Kaugnay ito sa isyu na kinakaltasan umano ng mga tauhan ni Cajayon-Uy ng P1,000 ang ayuda P3,000 mula sa DSWD, gayundin sa umano’y benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disvantaged/Displaced Workers o TUPAD na programa ng DOLE.
Nauna nang hinikayat ng NBI na maaring magsampa ng kasong cyber libel ang sinuman kahit hindi kandidato na naging biktima ng “fake news” o mapanirang puri sa mga social media, pahayagan, telebisyon o radio.
Nabatid na sa ilalim ng Senate Bill 1492 ni Senador Joel Villanueva, may kaukulang multa at parusa na 100,000 hanggang P5M at imprisonment na 1 hanggang 5 taon ang sinumang nagpapakalat ng maling balita o fake news.
“….any person who maliciously offers, publishes, distributes, circulates, and spreads false news or information or cause the publication, distribution, circulation, or spreading of the same in print, broadcast or online media. To be covered under this Act, such false news or information must cause or tend to cause panic, division, chaos, violence, hate or must exhibit or tend to exhibit a propaganda to blacken or discredit one’s reputation,” sipi ng batas.
Sa panig ni Congw. Cajayon-Uy, aniya, malinaw na isang demolition job lamang ito ng kanyang kalaban sa politika dahil walang basehan at pawang paninira ang naturang balita laban sa kanya na naglalayong sirain ang kanyang kandidatura sa Caloocan.
Si Cajayon ay naging congresswoman mula 2007 hanggang 2013 at nagsilbi sa DSWD bilang executive director ng Council for the Welfare of the Children isang attached agency ng DSWD. Noong 2009 ginawaran si Cajayon-Uy ng parangal bilang Award for Congressional Legislative and Service Excellence ng Consumers League of the Philippines Foundation Inc.
Nanawagan ang nagbabalik na kongresista sa mga taga Caloocan partikular sa 2nd District ng Lungsod na maging mapanuri sa mga ganitong uri ng ‘dirty politics’ na gawain ng mga desperadong kandidato.
Wala naman direktang tinutukoy na personalidad ang dating kongresista.