Advertisers
NASA 160 na lamang kada araw ang average ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa lingguhang COVID-19 update ng Department of Health (DOH) na inilabas nitong Lunes ng hapon, nabatid na mula mula Mayo 9 hanggang 15, 2022, ay nasa 1,118 na bagong kaso ng sakit ang naitala sa bansa.
Ayon sa DOH, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 160, na mas mababa ng 0.3% kung ikukumpara sa mga kaso noong May 2 hanggang Mayo 8.
Sa mga bagong kaso, 14 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Samantala, mayroon namang naitalang 16 na pumanaw kung saan 10 ay naganap noong Mayo 2 hanggang 15.
“Noong ika-15 ng Mayo 2022, mayroong 588 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,812 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 438 (15.6%) ang okupado. Samantala, 17.5% ng 23,707 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” anang DOH.
Iniulat din ng DOH na mahigit sa 68 milyong indibidwal o 76.29% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 13.6 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Sa kabilang banda, 6.7 milyong senior citizens o 77.12% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.
Sa kabila nito, patuloy namang pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. (Andi Garcia)