Advertisers

Advertisers

Full capacity operation ng mga negosyo, aprub na sa IATF… BONG GO: HEALTH GUIDELINES, IPATUPAD NANG WASTO

0 209

Advertisers

Nanawagan si Senator Bong Go sa pamahalaan at sa publiko na ipatupad at sundin nang wasto ang mga alituntunin sa kalusugan ngayong pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang full capacity sa operasyon ng mga establisyimento.

Kasabay nito, hinimok ni Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, ang mga Pilipino na manatiling mapagbantay at patuloy na sumunod sa mga protocol sa kalusugan at kaligtasan.

“Habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19, dapat maging mapagbantay ang lahat. Mahalagang maunawaan na gagana lamang ang mga protocol sa kalusugan kung susundin ng lahat ang mga patakaran at magtutulungan,” diin ni Go.



“Huwag tayong makumpiyansa. Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng ating pandemic response at vaccine rollout. Mas palakasin pa natin ang pagbabakuna lalo na ang booster shots para hindi na tumaas muli ang kaso ng nagkakasakit,” dagdag niya.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Communications Secretary at Acting Presidential Spokesperson Secretary Martin Andanar na inamyendahan ng IATF ang Guidelines on the Nationwide Implementation of Alert Level Systems para sa COVID-19 pero kinakailangang tukuyin ng pandemic task force ang mga establisimiyento at/o aktibidad na pinapayagang mag-operate sa Alert Level 1.



Sa guidelines, dapat makapagpakita ng patunay ng full vaccination ang lahat bago makapagsagawa ng mass gatherings o makapasok sa mga establisimiyento.

“Para naman sa gobyerno at mga namamahala ng mga pampublikong establisimento, ipatupad po natin nang maayos ang patakaran nang walang pili o pinapanigan,” sabi ni Go.



“Nakasaad na requirement ang pagpapakita ng proof of full vaccination sa lahat ng nais pumasok sa mga establishments kaya sundin natin ito,” dagdag ng senador.

Dahil dito, umapela si Go sa pambansa at lokal na opisyal na pabilisin ang pagpapalabas ng bakuna, partikular na ang pagbibigay ng booster shots.

“Magpabakuna na sa mga vaccination site upang makuha ang proteksyon na kailangan laban sa patuloy pa ring kumakalat na COVID-19 at iba pang variants nito,” idiniin ni Go.

“Libre naman po ang bakuna mula sa gobyerno. Paraan din ito upang maprotektahan ang inyong mga pamilya at mga komunidad,” aniya.

Ipinaalala ni Go sa publiko na manatiling disiplinado habang ang bansa ay umaayon sa bagong normal.

“‘Wag magkumpyansa. Hindi pa tapos ang pandemya. Ayaw nating masayang ang naging sakripisyo natin sa nagdaang dalawang taon,” anang mambabatas.