Advertisers
PINUPURI natin ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa sunud-sunod nilang pagkakasamsam sa kilo-kilong shabu at marijuana sapul nang magbago ang administrasyon. Bravo!
Hindi naman siguro ningas kugon o nagpapasiklab lang kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. si PDEA Director General Wilkins Villanueva para hindi siya mapalitan? Hehehe…
Kunsabagay simula nang italaga sa pamunuan ng PDEA si Wilkins ay kilo-kilo nang shabu at marijuana ang nahuhuli ng ahensiya. Matinik!
Pero bumabaha parin ng shabu mula sa iba’t ibang bansa. Parang napakagaan lang ng pagpasok nito sa atin. Samantalang kumpleto naman sa detectors ang ating Bureau of Customs sa mga pier at paliparan. Nandiyan din ang K-9 dogs na hindi nakokorap.
Hindi kaya itong mga yate at fishing boats ang ginagamit ng mga sindikato sa droga para maipasok sa bansa ang kilo-kilong shabu na nakalagay sa mga pakete na may Chinese characters? Puede!
Kaya dapat bantayan din ng PDEA itong mga fishing boat at ang mga yate na pumapalaot lalo na yung pag-aari ng mayayamang negosyante at Fil-Chinese. Mismo!
Dapat narin talaga ibalik ang death penalty sa mga may kaso ng droga, yung mga nahuhulihan ng kilo-kilo pati na ang kanilang protektor. Dahil ang mga taong ito ay salot sa lipunan!
Again, pinupuri natin ang PDEA sa kanilang mahusay na performance. Sana hindi kayo mahaluan ng kasabwat ng drug syndicates.
***
Isang concerned citizen ang nagtext sa atin tungkol sa talamak na bentahan ng shabu sa Manila North Cemetery:
“Sir, report ko po dito po sa loob ng Manila North Cemetery ay dagsa ang bentahan ng droga. Natatakot po ako dahil baka madamay. Bulag kasi ang barangay sa kalakalan ng droga rito. Ang pangalan ng mga nagbabagsak ng droga rito ay sila alyas “Botchok” at alyas “Mac”. Kaya walang nahuhuli ang mga pulis ‘pag pumasok dito dahil mayroong nagti-tips sa mga tulak. Yung tumatawag sa kanila (tulak) ay dyan nakapirmi sa may gate. Talamak na po ang bentahan ng droga rito. Sana po maaksiyunan agad.”
Matagal nang inirereklamo ang bentahan ng shabu sa loob ng Manila North Cemetery. Ano bang ginagawa ng barangay na nakakasakop dito? Tsk tsk tsk…
Tama lang talaga magkaroon ng eleksyon sa Disyembre para mapalitan na ang barangay officials na sueldo lang ang hinihintay. Mismo!
***
Tama ang aksyon ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na alisin sa listahan ng 4Ps beneficiaries ang mga taong hindi naman kabilang sa “poorest of the poort”.
Nabuking ni Tulfo na karamihan sa beneficiaries ng 4Ps ngayon ay yung may mga regular na income, may pinagkikitaan, ang iba empleyado pa ng gobyerno. Samantalang yung mga dapat na maging benepisyaryo ng programa ng gobyerno ay rejected dahil walang kapit kay Barangay Kapitan at kay Mayor. Animal!
Pramis ni Tulfo, bigyan siya ng 3 to 5 months para tuluyang malinis ang 4Ps list.
Binalaan din ni Tulfo ang mga empleyado ng DSWD na huwag maging mataray o isnabin ang mga lumalapit sa kanila dahil trabaho nila ang magserbisyo, hindi ang mang-bully. Tama!