Advertisers
SINAMPAHAN ng kasong ‘Rape’ ng Taguig City prosecutors ang actor/singer na si Vhong Navarro kaugnay ng umano’y panggagahasa sa model na si Deniece Cornejo noong 2014.
Sa information na isinampa noong Miyerkoles, August 31, sa Taguig City Regional Trial Court, si Navarro ay inakusahan ng paglasing at paggahasa kay Cornejo noong Enero 17, 2014 sa kanyang condo unit sa Taguig.
Ang pagsampa ng kaso ay kasunod ng pagpabor ng Court of Appeals sa petition ni Cornejo tungkol sa pagbasura ng Department of Justice sa akusang panggagahasa.
Magugunita na binasura ng DoJ ang rape complaint laban kay Navarro dahil sa pabago-bagong statements ni Cornejo sa kanyang affidavit. Pero sinabi ng CA na makabubuti kay Navarro na idepensa niya ang kanyang sarili sa trial sa korte.
Sa kanyang initial complaint-affidavit na isinampa sa DOJ, sinabi ni Cornejo na siya’y ginahasa Enero 22, 2014 pero napag-alamang si Navarro ay bumisita lamang sa model January 17, 2014.
Sa iba pa niyang complaints, sinabi ni Cornejo na siya’y ni-raped ng January 17, 2014, kungsaan ay nilasing daw siya ni Navarro matapos lagyan ng droga ang kanyang wine.
Sinabi ni DoJ, sa apela ni Cornejo, na hindi niya nagawang ipaliwanag ang pabago-bagong affidavits.
Pero iginiit ng CA na ang kridibilidad ay madetermina lamang sa trial proper sa korte.
Si Navarro ay nag-file ng ‘motion for reconsideration and a motion for the issuance of the status quo ante order’ para pigilan ang Taguig prosecutors sa pagsampa ng kaso.
At nitong Huwebes, ang kampo ni Navarro ay nakakuha ng order mula kay Taguig RTC Executive Judge Antonio Olivete na pigilan ang pag-raffle sa kaso hangga’t hindi nareresolba ang motion ng aktor/singer sa Court of Appeals.