Advertisers
SASALUBUNGIN ngayong araw ang mga motorista ng malakihang umento sa presyo ng produktong diesel matapos ang limang linggong sunod-sunod na rollback sa presyo ng petrolyo.
Sa advisory, ang Pilipinas Shell Petroleum Corp., SeaOil at Caltex ay magtataas ng presyo ng kanilang produktong diesel na nasa P6.85 kada litro.
Ang gasolina ay may taas presyo rin na P1.20 kada litro habang ang kerosene ay P3.50 kada litro.
Parehong umento naman ang ipatutupad ng Cleanfuel maliban na lamang sa kerosene.
Epektibo ang oil price adjustment dakong 12:01 ng hatinggabi para sa Caltex, 6:00 ng umaga para sa Shell at Seaoil at alas-8:01 ng umaga naman para sa Cleanfuel.
Asahan namang magkakaroon din ng umento sa presyo ng produktong diesel ang iba pang oil firms.
Ang dagdag-presyo ay kasunod ng anunsiyo ng mga bansang kasapi sa Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) Plus na magbawas ng produksiyon ng langis sa Nobyembre.
Batay naman sa pinakahuling data mula sa Department of Energy (DoE) ang year-to-date total adjustments ay mayroong net increase na P14.45 kada litro para sa gasolina, P28.95 kada litro ng diesel at P23.25 sa kada litro ng kerosene.