Advertisers
NASAWI si Marilao, Bulacan Mayor Ricardo Silvestre Linggo ng gabi nang maaksidente ang sinasakyan niyang SUV sa Mabalacat, Pampanga.
Sugatan naman ang driver at personal secretary ng alkalde.
Sa imbestigasyon, mag-aala-sais ng gabi habang binabaybay ng grupo ni Mayor Silvestre ang bahagi ng Prince Balagtas Avenue sa Clark Free Port Zone nang bigla itong kumabig pakaliwa at sumalpok sa poste ng ilaw sa lugar.
Sa lakas ng pagkakabangga, nabunot ang poste mula sa pundasyon nito. Wasak naman ang unahang bahagi ng SUV.
Ayon sa pulisya, nakausap pa ng mga first responder si Mayor Silvestre at mga kasama bago naisugod sa ospital.
Pero makalipas ang dalawang oras, idineklarang patay ang alkadle na kinumpirma naman ng anak nito na si Jackie-Lou Silvestre Guillermo.
Labing isang taon naging ABC President si Silvestre, naging punong barangay hanggang sa maging punong bayan noong 2019 at muling manalo nitong 2022.