Advertisers
IGINIIT ng dating dean ng University of the Philippines (UP) College of Law na si Pacifico Agabin na hindi maaring litisin ang mga kaso ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder, Pastor Apollo Quiboloy, sa United States hangga’t hindi ito nai-extradite.
“Kung nandito siya sa Pilipinas walang magagawa ang FBI (Federal Bureau of Investigation). Habang nandito si Pastor sa Pilipinas, wala silang magagawa doon sa Amerika,” ani Agabin.
Paliwanag nito, maaaring maghain ng ‘request for extradition’ ang US kung malakas ang ebidensyang nakagawa ng krimen sa Amerika si Quiboloy.
Sinabi pa ni Agabin na kapag natanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang request ng US, dapat na konsultahin ng foreign minister si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. dahil isang “political act” ang extradition.
“Ang gagawin ng Amerika, kailangan magpadala ng extradition request dito sa Pilipinas. Ang extradition maraming proseso ang kailangan doon. Kung ‘di papayag si Presidente, walang magagawa ang Amerika. Kung ma-extradite si Pastor, doon lang magkakaroon ng trial sa Amerika,” aniya.
Sakali aniyang tanggihan ng Pangulo ang kahilingan, posibleng i-pressure ng US ang Pilipinas upang i-extradite si Quiboloy.
“Siyempre ipe-pressure ang presidente dahil alam natin na maraming pressure ang magagawa ng Amerika kung ayaw nila yung action ng presidente o pangulo ng isang bansa,” pahayag pa ni Agabin.
Ayon naman kay Justice Secretary “Boying” Remulla, hindi pa nagre-request ng extradition ang US. Kaya wala pa silang aksyon laban sa pastor na malapit kay dating Presidente Rody Duterte.
Isinakdal ng US government si Quiboloy noong Nobyembre 2021 at inilagay narin ito sa ‘most wanted list’ ng FBI kamakailan dahil sa mga kinakaharap na kasong ‘conspiracy to engage in sex trafficking by force’, ‘fraud at coercion’, ‘sex trafficking of children’, ‘sex trafficking by force’, ‘fraud and coercion’, ‘conspiracy’ at ‘bulk cash smuggling’.
Pinatawan ng sanction ng Department of Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) ng US si Quiboloy dahil sa mga kaso nito.
Binanggit ng OFAC na may mga itinatago rin si Quiboloy na mga pastoral sa iba pang bansa, kasama ang Pilipinas at Estados Unidos.
“Quiboloy exploited his role within the KOJC to rape his victims and subject them to other physical abuse, describing these acts as sacrifices required by the Bible and by God for the victims’ salvation. The pastorals, who were mostly minors when initially abused by Quiboloy, were told by him to ‘offer your body as a living sacrifice,” sabi pa ng OFAC.
Itinanggi na ng mga legal counsel ni Quiboloy ang mga alegasyon.