Advertisers
ARESTADO ang walong Tausug na nahulihan ng abot sa P680,000 na halaga ng shabu sa buy-bust operation nitong Biyernes sa Jolo, Sulu.
Kinilala ang mga naaresto na sina Rasheen Estino, Michael Bato, Morasdi Bandahala, Ibrahim Sali, Azim Salim at ang kanilang mga kasabwat na mga babaeng sina Rahima Isa, Derhana Jamiri at Trisia Indal.
Ang Jolo ang kabisera ng Sulu na sakop ng Bangsamoro region.
Sa ulat nitong Linggo ng Sulu Provincial Police Office kay Brig. General Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang walong nadakip ay na-entrap ng mga hindi unipormadong pulis sa Kakuyagan Village, Barangay Asturias.
Hindi na pumalag ang mga suspek nang arestuhin ng mga kasapi ng iba’t ibang mga unit ng Sulu PPO, Jolo MPS, at ng 4th Regional Mobile Force Company ng PRO-BAR.