Advertisers
NAGBABALA si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na maitituring na “falsification” ang sinasabing pagbabago o pagwawasto sa ilang salita sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Ito ang reaksyon ni Pimentel sa sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi pa ‘enrolled bill’ ang MIF kaya maaaring magpasok pa ng “perfecting amendments” na gagawin ng Senate at House Secretariat.
Ayon pa sa senador, hindi maaring pakialamanan nang hindi halal na opisyal ang nakalusot ng panukalang-batas at ang anumang pagbabago ay dapat ay ginagawa sa plenaryo.
Aniya, mawawalan din ng saysay ang salitang “FINAL” kung maaari naman palang galawin o baguhin pa ang bersyon na inaprubahan na sa plenaryo.
Ang pinapayagan lamang umanong baguhin ang pagkakasunud-sunod ng numero ng mga sections na nakapaloob sa ipinasang panukala.
“Mawalan ng meaning ang word na ‘final’ if puwede pa palang galawin ng iba. They (staff) cannot change the entries like delete some words or add new words. They cannot change meanings or nullify some expressed idea. They are not allowed to replace their ideas for the words of the senators,” hirit ni Pimentel.
“Pag sabi nila na approved na ang final version then that’s it, that is the final version,” saad pa niya.
Base sa inaprubahang Maharlika Investment Fund bill, naipasok ang Sections 50 at 51 na naglalaman ng magkaibang prescriptive period para sa paghaharap ng kaso sa sinumang mang-aabuso sa pondo. (Mylene Alfonso)