Advertisers
NAG-INHIBIT na si Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Br. 256 Judge Romeo Buenaventura sa paghawak ng natitirang drug case ni dating Senadora Leila De Lima.
Ito ay kasunod ng inihaing motion for inhibition ng 3 kapwa-akusado ni De Lima na sina Joenel Sanchez, Ronnie Dayan at dating Bureau of Corrections (BUCOR) Chief Franklin Jesus Bucayu.
Iginiit ni Sanchez na itinago kasi ni Judge Buenaventura ang katotohanan na kapatid pala nito ang abogado na tumulong sa isa pang akusado na si Ronnie Dayan sa paggawa ng affidavit nito.
Ibinunyag din ni Sanchez na ang kapatid ng nasa-bing hukom na si Atty. Emmanuel Buenaventura ay nagtrabaho bilang legal adviser ni dating Cong. Reynaldo Umali, na dating chairman ng House Committee on Justice sa kasagsagan noon ng congressional hearings sa kontrobersiya ni de Lima noong October 2016.
Si Sanchez ay kabilang noon sa pinadalhan ng subpoena para magtestigo laban kay de Lima.
Aniya, dahil dito ay lumalabas na hindi patas sa paghawak sa kaso si Judge Buenaventura.
Ayon naman kay Dayan, ang kapatid nga ng hukom ang tumulong sa kanya sa paggawa ng affidavit na kalaunan ay kanya ring binawi.
Naghain din ng kaparehong mosyon si Jesus Bucayu dahil sa pagiging “one-sided” daw ni Judge Buenaventura lalo na sa pagbasura sa kanyang mga kahilingan na makapagpiyansa at dahil sa kabiguan nitong sabihin ang katotohanan na kapatid niya si Atty. Emmanuel Buenaventura.
Bunga nito, ira-raffle muli ang nasabing kaso.