Advertisers
KUNG sipag ang pag-uusapan, walang dudang isa si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga nagtatrabaho at maaasahang opisyal ng kasalukuyang administrasyon ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pero sa dami ng responsibilidad bilang DILG head, hindi lahat ay nakikita ni Sec. Abalos. Halimbawa ay ang patuloy na pagbubulag-bulagan ng mga halal na lingkod-bayan at ng Philippine National Police (PNP) sa pamamayagpag ng vice operation na kakambal ng malalang suliranin sa drug trafficking sa buong bansa.
Sa totoo lang, ang nagkalat na pasugalan sa mga lalawigan, siyudad at bayan tulad ng jueteng, loteng EZ2, Pick3, sakla at pergalan (perya at sugalan) at iba pang uri ng illegal gambling ay di maitatatwang ugat din ng lalong lumalalim na problema sa illegal drug. Ito ay banta sa katahimikan at seguridad ng sambayanan.
Hindi mapasisinungalingan ng maraming opisyales ng Pambansang Kapulisan dahil batid nila ang lantarang operasyon ng mga iligal na sugal, dangan nga lang sila’y tahimik dahil sa malaking lagay na “napipiga” sa mga financier at operator ng mga pasugal na ito.
Kaya dumami at lumawak ang operasyon ng illegal gambling ay dahil hindi kumikilos ang PNP, ganon din ang maraming halal na gobernador at mayor kaya hindi maiiwasan na magduda ang taumbayan na may namumuong unholy alliance sa pagitan ng mga vice operator, elected local government at mga PNP official.
Pakiwari ng SIKRETA ay nagkukulang sa pagkilos ang Interior Secretary-hindi nakapagbibigay ng kaukulang abiso o babala sa mga gobernador at mayor hanggang sa pinakamababang kapitan ng mga barangay at mga opisyales ng mga ito na may pananagutan sa paglaganap ng ipinagbabawal na sugal na karamihan ay front ng bentahan ng droga sa kani-kanilang lugar.
LOTENG, EZ2 AT PICK3 SA LUNGSOD NI MAYOR JOHN REY TIANGCO
Sa siyudad ng Navotas ay laganap ang Loteng, EZ2 at Pick3 bookies, ng isang nagngangalang “Jode” na dati pa namang lingkod-bayan at dalawang dekada nang nag-ooperate ng nabanggit na iligal na pasugal sa Sipac- Almacin, pero tila hindi alam o sadyang nagmumuwang-muwangan lamang si Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco sa mga kabulastugang ito ng salot na gambling operator?
Si Jode ay nagyayabang pang alyado ng alkade at kongresista kaya di matitinag ng kapulisan ang kanyang labag sa batas na operasyon.
Dating kagawad si Jode na nagdesisyong magbitiw sa kanyang serbisyo publiko para pagtuunan ng pansin ang pagpapatakbo ng Loteng, EZ2 at Pick3 na sa tagal na sa iligal na negosyong ito ay kanya namang napagtagumpayan. Napalago ng kagawad-turned ilegalista ang kanyang iligal na pagpapasugal sa tulong ng mga contact na sa kalaunan ay naging kaibigan sa local government at lokal na kapulisan.
Alam ng taga-Navotas na ayaw ng mga Tiangco ang sugal kaya’t palaisipan sa kanila kung bakit nakapagpasugal si Jode ng Loteng, EZ2 at Pick 3 bookies sa north metro town na ito na kilalang bagsakan ng isda at makikita ang Navotas Port na dinarayo ng mga negosyante mula sa ibat ibang lugar ng bansa, ngunit ang nagiging “eye sore” naman ay ang mga iligal na pasugal ng naturang ex-kagawad.
PERGALAN NI QUIROS SA SIYUDAD NI MAYOR ALONG MALAPITAN
SA Caloocan City ay isang Quiroz ang nag-ooperate ng kunyari ay perya o carnival na bukod sa mga entertainment machines ang nakalagay ay pinuno at nilatagan ng nabanggit na gambling lord ng color games, sakla, beto-beto, cara y cruz, drop balls, kalaskas at iba pang iligal na sugal kaya tinawag itong pergalan (perya at sugalan) sa mataong lugar ng Brgy. Tala (Malaria) sa nabanggit na siyudad.
Tulad ng mga Tiangco, ayaw din ni Mayor Along at ng kanyang ama na si 1st District Congressman Oscar Malapitan ang iligal na sugal sa kanilang lungsod, lalo na kapag ito ay pergalan (perya at sugalan) na maging mga kabataan ay nagugumon sa bisyong pagsusugal.
Kaya dapat sigurong papagpaliwanagin ni Mayor Along si Caloocan Police Chief Col. Ruben Lacuesta kung papaanong nakapaglagay ng pergalan si Quiroz sa mataong lugar ng Brgy. Tala (Malaria) na dinudumog ngayon ng mga taga-Caloocan na nalulong sa pagsusugal ng color games at iba pang labag sa batas na table at card games.
Ang di nga katanggap-tanggap ay pati mga teen-ager ay hinihikayat ng isang Peter na poste sa naturang pergalan para tumaya sa mga sugalan ni Quiroz, bagay na hindi dapat mangyari dahil nakakakasira ito sa moralidad, hind lamang sa kabataan kundi sa lahat ng mga magsusugal sa nabanggit na pergalan.
Bilang AMA ng Caloocan, si Mayor Malapitan ay may pananagutan sa patuloy na operasyon ng pergalan ni Quiroz, ganon din si Col. Lacuesta dahil bilang hepe ng pulisya ng siyudad, ang sisi ay sa kanya dahil pinababayaan lang na maghari ang operasyon ng sugalan sa nasabing peryahan na maliwanag na labag sa umiiral na batas.
SUGAL- CON DROGA NI BOKBOK KINA MALABON CITY MAYOR JEANIE SANDOVAL
PAG-UPO ni Mayor Jeanie Sandoval noong July 1, 2022 bilang bagong elected city executive ng Malabon City, ang isa sa naging laman ng kanyang pahayag ay ang desisyong ipagbawal ang sugalan sa lungsod lalo na ang operasyon ni Mario Bokbok na sa mahabang panahon ay naghari sa nasabing siyudad.
Tulad sa nais ni Mayor Sandoval nagawa nitong ipatigil ang mga pasugal ni Bokbok, pero sandali lamang ito, pagkat napabuksang muli ang operasyon ng notorious ding gambling con drug pusher sa tulong ng isang ex-congressman.
Hindi lamang sa balwarte ni Bokbok na Brgy. Dampalit at Catmon nag-ooperate ng Loteng, EZ2 at Pick 3 kundi maging mga saklaan na kung tagurian ay tagong-hayag sa Malabon pagkat alam naman ng mga mamamayan ang patuloy na pagpapatakbo ni Bokbok ng sakla maging sa mga matataong lugar ng Jacinto, Flores at Muzon. Anyare sa utos ni Mayora Sandoval? Abangan…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.