Advertisers
AABOT sa P197.84 bilyon ang ilalaang pondo ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura sa susunod na taon.
Ayon kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, ito’y katumbas ng anim na porsiyentong pagtaas kumpara sa budget allocation ngayong taon na nasa 186.54 bilyon.
Sa kanyang 2024 Budget Message, ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahalagang dagdagan ang pondo para sa national programs ng Department of Agriculture, partikular sa palay, mais, livestock, high-value crops, at iba pa.
Ayon kay PBBM, sa ganitong paraan ay tataas ang agricultural output at maabot ang layunin ng Philippine Development Plan (PDP) na mapaangat ang food security index ng bansa.
Sinabi naman ni Pangandaman na nakatuon ang 2024 expenditure sa food at water security, sang-ayon na rin sa PDP.
Inaasahang makakakuha ng mahigit tatlumpung bilyong pisong pondo ang National Rice Program para sa pagpapalakas ng rice production habang ilalaan naman ang sampung bilyong piso sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). (Gilbert Perdez)