Advertisers
Nakulimbat ng tatlong kawatan ang mahigit P13 milyon cash at alahas nang pasukin ang isang mall sa Tagum City, Davao del Norte.
Sa ulat, nangyari ang nakawan noong gabi ng Martes.
Batay sa report ng Tagum City police, bandang 8:00 ng umaga noong Miyerkules, bago magbukas ang establisimyento, nadiskubre ng isang empleyado ng mall ang malaking butas sa pader ng mall sa basement.
Sa kuha ng CCTV ng mall, ang tatlong lalaki na naka-bonnet ang umano’y mga responsable sa panloloob ng mall.
Kwento ng empleyado, pagpasok nito sa mall, nakita niyang nasira na ang tatlong vault na pagmamay-ari ng isang jewelry store.
Dito, nadiskubre na wala na ang mga panindang alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P9 milyon.
Bukod sa jewelry shop, sinira rin ng mga suspek ang dalawang ATM machine ng dalawang bangko.
Ang isang machine naglalaman ng higit P4 milyon na cash, habang under maintenance naman ang isang ATM machine, kaya wala itong lamang pera.
Ayon sa pulisya, nakapasok sa mall ang mga kawatan sa pamamagitan ng pagbutas sa pader na katabi ng bakanteng lote.
Sa labas umano ng mall nagbabantay ang guwardiya at nalaman na lang ang nangyaring nakawan kinaumagahan.
Hinala ng pulisya, miyembro ng organisadong grupo ang mga kawatan na posible umanong nasa likod din ng panloloob sa isang grocery store sa Davao City, at isa pang mall sa Agusan del Sur.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikadarakip sa mga ito.