Advertisers

Advertisers

PAALIS NA MGA PASAHERO SA BICOL AIRPORT, NABULABOG SA ‘BOMB JOKE’

0 50

Advertisers

BINALOT ng sindak at takot ang mga pasahero na nasa loob ng eroplano matapos na makita ng isang Cabin crew ang isang tissue paper na may nakasulat na ‘bomba’ na naiwan sa lavatory dahilan upang maantala ang paglipad nito sa Bicol International Airport (BIA) Daraga, Albay patungong Maynila kaninang umaga.

Ang cabin crew ng Cebu Pacific flight 5J326 ay agad na inalerto ang pilot-in-command upang tumawag sa Control Tower at ipaalam ang kaganapan sa loob ng naturang aircraft.

Ang piloto ay humiling ng agarang tulong sa seguridad habang ang sasakyang panghimpapawid ay ipibarada agad mula sa nakahiwalay na parking area para sa masusing inspeksyon. Ang mga pasahero ay hiniling na bumaba sa eroplano at dinala sa Terminal arrival area para sa body screening.



Ang kanilang mga naka-check-in na bagahe at mga hand carry bag ay mahigpit na sumasailalim sa security inspection mula sa PNP Aviation Security Group kabilang ang mga bomb sniffing dog sa tulong ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) security personnel.

Nabatid sa CAAP na bilang precautionary measure, pansamantalang isinara ang runway sa BIA sa lahat ng flight hanggang sa naresolba ang sitwasyon.



Sa ulat ng CAAP, nakatakda sanang umalis bandang alas-10:44 A.M ang eroplano mula BIA patungong Maynila nang maantala ang paglipad nito dahil sa ‘bomb joke’ na kagagawan umano ng isang ‘unknown passenger’.

Sampung ( 10) flights ng Cebu Pacific Air (darating at aalis) ang naapektuhan ng bomb joke at ang isang flight ng Philippine Airlines galing Maynila ay hiniling ng control tower na huwag munang lumapag sa runway alinsunod sa security protocols.



Nasa 130 pasahero na sakay ng eroplano ang iniimbestigahan o itinatanong para malaman kung sino sa kanila ang nag-iwan ng note sa lavatory.

Simula 1:35 PM Lunes, itinuloy na ang normal na operasyon ng paliparan sa BIA habang patuloy pa rin ang imbestigasyon. Ang CAAP sa koordinasyon ng PNP AVSEGROUP ay nagsusumikap upang malaman kung sino ang responsable sa naturang pananakot. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)