Advertisers

Advertisers

Mallari: Dugo at Rosaryo

0 72

Advertisers

Ni NICK NANGIT

MARAHIL ay marami ang hindi nakakaalam na sa ating kasaysayan, iisa lamang ang tinaguriang serial killer.
Siya ay si Juan Severino Mallari.
Taong 1810 noong unang umusbong ang mga balita na may bangkay ng tao na natagpuan sa Mabalacat, Pampanga. Sa loob ng isang dekada, panahon pa ng pananakop sa atin ng mga Kastila, unti-unting natagpuan o kaya’y nahukay sa kalat kalat na lugar sa nasabing lalawigan ang higit sa limampu (50) pang bangkay ng mga taong nawawala o kaya’y pinaghihinalaang dinukot kaya hindi na makita.
Hindi rin maipaliwanag kung bakit sunud-sunod ang pagkawala ng mga tao at ang pagdiskubre sa kanilang mga katawan.
Walang naghinala kay Mallari dahil isa siyang pari.
Galing siya sa angkan ng mga may kayang nagbibigay sa simbahan. Nag-aral siya ng pilosopiya at teolohoya sa UST. Isa rin siyang magaling na calligrapher o may kasanayan sa sining ng pinong pagsusulat. Sa kanyang mga ulat-simbahan na kung tawagin ay Planes de Alma, may mga inilarawan siyang bulaklak, baging, at anghel sa alapaap. Ayon din sa mga rekord at talaan ng nasabing bayan, apat na beses daw siyang tinanggihan ng simbahan na maging kura paroko sa Orani, Mariveles, Lubao, at isang puerto ng Cavite.
Sa tingin siguro ng simbahan na pinamumunuan ng mga prayleng Katoliko, hindi siya nararapat na mamuno sa kahit anong parokya, hanggang sa napagpasiyahan na sa wakas ay igawad na sa kanyang pamumuno ang nasabing bayan.
Maugong ang mga balita at bulung-bulungan na may malubhang sakit pala ang kanyang ina. Ang hinala ng iba ay sinisisi ni Mallari ang mga tao sa sinapit ng kanyang ina. Sa palagay niya, ito ay nakulam o sadyang kinulam.
Nagkasakit ng malala si Mallari. Dahil iginagalang siya ng mga parokyano bilang isang kapwa Pilipino, dinalaw nila siya sa kanyang tahanan. Doon nakita, at maituturing na aksidenteng nakita, ang mga bagay bagay na punung-puno o kaya’y nabahiran ng natuyong dugo. Nagulantang ang lahat. Paano magagawa ng isang taong banal ang mga karumal-dumal na krimen? Nabuhay tuloy at nanumbalik ang interes ng bayan sa mga nawawalang tao.
Humantong ito sa paglilitis subali’t, imbes na ilagay siya sa ospital, dahil sa kasiraan ng pag-iisip, gaya ng noo’y nakatayo ng Hospicio de San Jose sa Maynila, ikinulong na lamang siya hanggang sa patawan siya ng parusang bitay na marahil ay sinadya bilang panakot sa mga noo’y nagrerebelde na laban sa pamahalaan. Nauna pa siya ng 34 na taon sa GomBurZa.
Bukod pa riyan, hindi pinaniniwalaan ng mga Kastila ang dahilan na kulam sa kanyang ina o maging ang mga katutubong paniniwala. Wala ring ulat-talaan ng mga pangalan ng biktima o ng ugnayan ni Mallari sa kanilang pagkamatay. May mga naghihinalang napilit lamang daw siyang aminin ang mga krimen, dahil sa takot, bagama’t sinabi niya sa mga kinauukulan na sa kanyang palagay ay, nakulam nga raw ang kanyang ina at naniniwala siyang kailangan niyang iligtas ito.
Nitong Abril, lumabas ang balitang may pelikulang nakakatakot si Direk Derick Cabrido, sa panulat ni Enrico Santos, na ang gaganap sa papel ni Mallari ay ang sikat na aktor na si Piolo Pascual. Tatlong panahon daw ang ipakikita sa paglalahad ng kanyang kuwento – 1851, 1950, at 1923.
Kung bakit bihira o kaya’y wala talagang serial killers sa Pilipinas, ating tatalakayin sa susunod na Live ng Nickstradamus Nickstradamus channel sa YouTube.
Hanggang dito na muna, Light Love and Life, Namaste!