Advertisers
NAGSAMPA ng kasong ‘kriminal’ at ‘administratibo’ sa Tanggapan ng Ombudsman ang Sagip Kalikasan Task Force (SKTF) laban kay Mayor Tomas Bocago at ex-barangay chairman Victorino dela Cruz ng Sipocot, Camarines Sur kaugnay ng ‘iligal’ na quarry at paggamit umano ng kagamitan ng gobyerno sa operasyon nito.
Hiniling ng SKTF sa Ombudsman na suspendihin sina Bocago at Dela Cruz, ang chairman ng Barangay San Isidro noon, at ang pagsibak sa kanila kapag napatunayan ang kanilang pagkadawit sa illegal quarrying sa bayan ng Sipocot.
Inireklamo ng SKTF sa pamamagitan ng officer-in-charge (OIC) nito na si Luzmindo Aguillon Jr., sina Bocago, dela Cruz at tatlong iba pa ng paglabag sa mga batas laban sa ‘graft’ at sa ‘mineral theft’, at tatlong ordinansa ng probinsya na nagbabawal sa paghuhukay ng building o consturction materials ng walang permit mula sa national o local government.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 3019, “Anti-Graft Corrupt Practices Act”, ang mga opisyal ng gobyerno gaya nina Bocago at Dela Cruz na masasangkot sa katiwalian ay maaaring suspendihin ng Ombudsman habang nagsasagawa ito ng imbestigasyon, at sibakin sa puwesto kapag napatunayan ang alegasyon.
Sa reklamong inihain nitong Oktobre sa Office of the Ombudsman for Luzon sa Quezon City, hiniling ni Aguillon na isailalim sa preventive suspension si Bocago at Dela Cruz upang hindi nila maimpluwensyahan ang kaso.
Kasama rin sa inireklamo sina Rebecca Royales, administrator ng quarrying site na syang tagapagmana ng may-ari ng lupa na si Eligio Royales; Christian Gay Lamado, umano’y designer ng race track kungsaan umano dadalhin ang mga hinahakot na construction materials mula sa quarry site; at Rodelo Tiburcio, ang operator ng bulldozer (body marking ZoomLion ZD160-3) na nahuling naghuhukay. Ang naturang bulldozer ay pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng Sipocot, ani Mayor Bocago.
Batay sa mga ebidensyang isinumite ni Aguillon sa Ombudsman, Mayo 23, 2023 ay pinahinto ng SKTF enforcers na pinangungunahan nina Jay Macapagal at Nimuel Azuela ang quarrying sa ari-arian ni Royales sa Barangay San Isidro. Nasa lugar raw noon si Lamado kasama si Tiburcio.
Kalaunan ay kinumpiska ng task force team ang bulldozer at ang nahukay na materyales matapos mabigo sina Lamado at Tiburcio na magpakita ng permit mula sa provincial government o Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Inilakip ni Aguillon sa kanyang complaint-affidavit ang video footages at litrato, police report, field appraisal and assessment report mula sa Provincial Assessor’s Office, at mga testimonya ng SKTF enforcers na nagsabi na kinompronta at pinagbantaan sila ni Bocago upang ipatigil ang ginagawang pagkumpiska sa bulldozer at nakuhang materyal sa lugar.
Sinabi umano ng alkalde na “di ko papadala yan, kakagulo tayo dito.”
Batay sa ebidensyang isinumite, sinabi ni Bocago sa SKTF team na gagamitin ang hinukay na construction materials sa pagpapaganda ng “racetrack project” at ang bulldozer ay pagmamay-ari umano ng lokal na pamahalaan ng Sipocot.
“All the above respondents, confederating with each other, willfully, unlawfully and knowingly engaged in extracting quarry products without the requisite documents or permit such as the quarry permit from provincial government of Camarines Sur that would justify the extraction thereof,” sabi ni Aguilllon sa inihaing complaint-affidavit. “Absent which, the activity is considered unlawful and illegal.”
Dagdag pa ni Aguillon: “Aside from the fact that the Respondents were conducting quarrying operations without any permit, it is evident that they have not shown any compliance with DENR laws in relation to the submission of documents necessary to secure an ECC (Environmental Compliance Certificate) or an EPEP (Environmental Protection and Enhancement Program).”
Ayon kay Aguillon, malinaw sa RA 7942, “Philippine Mining Act”, na guilty ang mga akusado sa “theft of minerals” dahil sa pag-quarry ng walang otorisasyon mula sa DENR/MGB o provincial government.
Bukod sa paglabag sa RA 7942 at RA 3019, sinabi ni Aguillon na sina Bocago, Dela Cruz at kanilang kapwa akusado ay lumabag din sa Provincial Ordinances No. 24 (series of 1994), No. 30 (series of 2014) at No. 16 (series of 2017) na nagbabawal sa quarrying ng walang permit mula sa Office of the Governor.
Iginiit din ni Aguillon na tinangkang gamitin ni Bocago ang kanyang posisyon bilang mayor upang mabigyang katwiran ang iligal na aktibidad at mapigilan ang pagkumpiska sa bulldozer.
Sa ilalim ng Section 138 ng Local Government Code (LGC) of 1991, ang exclusive authority sa pagbibigay ng quarry permit ay ibinibigay sa mga gubernador.
Taon 2022, inilabas ni MGB Regional Director Guillermo Molina Jr. ang MGB Special Order (SO) 2022-095 na nagbibigay ng otoridad sa mahigit 200 SKTF na magbantay laban sa mga iligal na pagmimina at maghain ng kaso laban sa mga gumagawa nito.
Matatandaan na naghain din ng kaso ang SKTF enforcer laban kay Mayor Fermin Mabulo ng San Fernando sa Ombudsman for Luzon kaugnay ng ‘iligal na operasyon’ ng quarry kungsaan pinaniniwalaan na kumita ang pamilya nito ng P544 milyon at paggamit ng kagamitan ng gobyerno at kawalan ng permit mula sa MGB at provincial government.
Kasama ni Mabulo na inireklamo sina Chairman Larry Mateo ng Barangay Beberon, Chairman Joebert Lumabao ng Brgy. Bocal, Chairman Enopre Metillo ng Brgy. Pipian, Chairman Edelito Aborde ng Brgy. Alianza at Chairman Julian Coros Jr. ng Grijalvo. – Police News Team