Advertisers

Advertisers

Retiradong sundalo pinatay, bangkay ibinaon sa bakuran

0 10

Advertisers

MASANGSANG na amoy ang naging susi upang madiskubre ng mga awtoridad ang bangkay ng isang retiradong sundalo na napatay ng kanyang kaalitan at inilibing sa loob mismo ng kanyang bakuran sa Binangonan, Rizal.

Kinilala ang biktima na si Rodolfo Lirio, isang retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines at residente ng Barangay Habagatan, Binangonan.

Arestado naman sa follow-up operation ang suspek na kinilala sa pangalang alyas “Alvin”.



Sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, 2:00 ng hapon ng Biyernes nang madiskubre ang bangkay ng biktima na nakalibing sa Talim Island, Purok 1, Brgy. Habagatan.

Nauna rito, nakatanggap ng reklamo si Barangay Chairperson Marzen Binaluyo mula sa mga kapitbahay ng biktima na may masangsang na amoy na nagmumula sa compound ng tahanan nito. Kaagad na nagtungo doon ang mga opisyal ng barangay.



Nang tuntunin ang pinagmumulan ng mabahong amoy ay nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakalibing sa bakuran, at ini-report sa pulisya.

Lumitaw sa pagsisiyasat na naganap ang krimen 3:00 ng hapon ng Disyembre 26, 2023.



Nauna rito, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa, na nauwi sa suntukan.

Sa kasagsagan ng kanilang pagsusuntukan, nakadampot ang suspek ng matigas na bagay at inihataw sa biktima na ikinasawi nito.

Upang itago ang krimen, nagdesisyon ang suspek na ilibing na lamang ang biktima sa sarili nitong bakuran.

Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa kasong pagpatay.