Advertisers
TODAS ang isang mataas na pinuno ng New People’s Army (NPA) sa pakikipagsagupaan sa tropa ng gobyerno sa Barangay Togawe, Gubat, Sorsogon.
Kinilala ni Major Frank Roldan, tagapagsalita ng 9th Infantry Division (9ID), ang napatay na si Baltazar Hapa alyas “Patrick”, commanding officer ng Komiteng Larangang Guerilla 1, Sub-regional Committee 3 ng NPA.
“Naganap ang engkwentro Linggo ng gabi habang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pwersa ng gobyerno kaugnay sa naunang sagupaan sa Barangay Sangat, Gubat na naganap Linggo ng hapon.
Tumagal ng 25 minuto ang bakbakan ng magkabilang panig na nagresulta sa pagkamatay ni Hapa at ang pagkakasamsam ng M4 rifle, magazine, at improvised explosive device,” ani Roldan.
Walang naitalang casualty sa panig ng gobyerno sa operasyon.
Sinabi ni Roldan, sangkot si Hapa sa iba’t ibang insidente sa Sorsogon na gumulo sa kapayapaan ng lalawigan at nagdulot ng takot sa mga tao.
Dagdag pa niya, sunod-sunod na engkwentro ang naitala noong Linggo sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon kabilang ang Camarines Norte, kungsaan narekober ng tropa ng pamahalaan ang 29 anti-personnel mine at 800 live ammunition sa bayan ng Labo.
Dalawang miyembro ng teroristang grupo na kapwa kabilang din sa Larangang Guerilla 1, Sub-regional Committee 3 ang sumuko dala ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang carbine, isang KG9 submachinegun, isang Browning automatic rifle, 2 improvised explosive devices, magazine at mga bala sa Barangay San Isidro, Bulusan, Sorsogon. (Boy Celario)