Advertisers
ISA pang patunay na sa POLITIKA walang permanenteng kaibigan o kaaway, puros personal na interes lamang.
Oo! Ang unity ng Duterte at Marcos na nagsimula 2022 Presidential election, pag-tandem nina Bongbong Marcos at Sara Duterte, ay nagwakas nitong Enero 28, 2024 ng gabi.
Sa Davao City, winakwak ng todo ng mag-amang Mayor “Baste“ at ex-President Rody “Digong” Duterte sa harap ng kanilang supporters si Pangulong “Bongbong” Marcos.
Hayagang pinag-re-resign ni Baste si PBBM. Sinabihan niya itong “tamad!”.
Ang mga tiradang ito ni Baste kay PBBM ay senyales na ng pagputol sa maikling panahong alyansa ng Marcos-Duterte, na halata namang binuo lang nung eleksyon para durugin ang bet ng “Dilawan” na si ex-Vice President Leny Robredo, ang pinakamahigpit na kalaban ng tandem nina Bongbong at Sara.
Mas masakit ang mga binitiwang salita ni ex-Pres. Duterte, hayagan niyang sinabi na si PBBM ay nasa drug list ng PDEA.
“Kung bangag siya noong ‘di pa presidente, mas bangag siya ngayong presidente na,” diin ni Digong laban kay PBBM. “May drug addict tayo na presidente.”
Binalaan pa niya si PBBM na baka magaya ito sa kanyang ama, late ex-President Ferdinand Marcos Sr., na napatalsik ng People’s Power noong 1986.
Kaagad namang pinabulaanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang banat ni Digong kay PBBM. Wala raw katotohanan na nasa drug list ang Pangulong Marcos, Jr.
Kung inyo pang naaalala, noong 2022 election campaign nang itinutulak ni noo’y President Duterte na maging successor niya ang kanyang anak na si Sara, tinawag niya si PBBM na “spoiled brat”, “adik” at iba pang maaanghang na mga salita.
Reaksiyon naman ng netizens sa mga sinabing ito ni Digong: Isang patunay raw na bigo si Duterte sa kanyang war on drugs ang hindi niya pagsupil kay PBBM na isa palang “adik” at nasa “drug list ng PDEA”. Hindi niya raw dapat hinayaan si Bongbong na maging lider pa ng bansa dahil sangkot pala ito sa iligal na droga.
Wala pang reaksiyon si PBBM sa mga banat na ito ng mag-amang Duterte.
Habang nagngangakngak ang mag-amang Baste at Digong sa Davao City laban kay PBBM Linggo ng gabi, ang Pangulo naman ay kasama ang isang anak ni Digong na si VP Sara sa pagdeklara ng “Bagong Pilipinas” sa Luneta Grandstand, Manila.
Isa sa mga ikinagagalit ng mag-aamang Congressman Paolo, Baste at Digong kay PBBM ay ang pagpapasok sa bansa ng International Criminal Court (ICC) na nagsasagawa ng mga imbestigasyon sa kinakaharap ni Digong na kasong ‘crimes against humanity’ na may kaugnay sa “pekeng” war on drugs.
Kontra rin ang Dutertes sa pagbago sa Konstitusyon dahil maaring ‘di na bumaba sa puesto ang Marcos. Balak kasi ng Dutertes na patakbuhing presidente si Sara sa 2028. Boom!