Advertisers
TALAGA po, Sen. Imee Marcos, walang naipondo sa 2024 national budget sa Build Build More projects, kung totoo, patay tayo niyan.
Sabi ng ate ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., P300-milyon lang ang naibadyet sa “right of way” of road projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), habang ang utang nito ay sumirit na sa P66-bilyon.
At ang masakit, wala raw pondo para sa maintenance ng mga kalsada, grabe ito.
Kung may utang sa mga kapartner na private corporation, paano tatapusin ang mga infra projects?
Kung walang pondo at may utang pa, tamang madismaya si Ate Imee, at nakahihiya ito, kumpara noong panahon ng kanilang ama –dating Pres. Ferdinand E. Marcos Sr., todo at sobra-sobrang dami ng daan, tulay, gusali, expressways at iba pang proyekto ang naipagawa.
E very vital sa progreso ng bansa natin ang mga daan, tulay, atbpa, tapos ang proyektong paggawa ng riles ng tren papuntang Mindanao, sinuspinde na, kasi ang gagawa niyon e China!
‘Yung LRT Line 1 extension project sa Cavite, paano na, matatapos ba e, mahigit nang 20 years ito na pinangarap na matapos.
Sa press release noong November 2023, itong Baclaran-Cavite Line 1 na may habang 11.8 kilometrong riles ay 94% na kumpleto na, at ang 5 LRT 1 station ay mahigit sa 70% na ang nagagawa at ngayong walang pondo, posible ba na matapos ito at maging operational sa Setyembre 2024?
Mantakin mo, mas mabilis at maikli ang biyahe mula Baclaran to Barangay Niog sa Bacoor City ng 25-30 minutos na sa ngayon, ang biyahe ay umaabot sa isa at kalahating oras.
Kung walang pondo, patay tayo sa buwiset sa mahabang biyahe, naaalala ko tuloy ang pangako noon ni PNoy na sila ni Transportation Sec. Abaya ay magpapasagasa sa tren pag hindi nila natapos ang LRT 1 extension project noong administrasyon nila.
Pu*&?%$#, sanabagan!
***
Tanong, wala bang pera talaga sa flagship infra project pero bakit sa ayuda, sandamukal ang inilaan ng House at Senado para kuno matulungan ang dugyot na pamilyang Pilipino.
Tingnan: napakalaking pondo, umaabot sa mahigit na P500-B ang inokeyang badyet ngayong 2024.
Ito raw, e para kahit paano, hindi magutom ang di-bababa sa 12 milyong dugyot na Pinoy at ayuda sa 48 milyong Noypi na mula sa mga pamilyang kakapiranggot ang kinikita kada araw.
Eto ang mga programa sa ayuda: Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) na ang maswerteng pamilya ay tatanggap ng minsanang ayuda na P5,000 cash.
Kung ilang libo o milyong pamilya ito, hindi pa ma-estimate na ipinagtataka nina Sen. Imee, Sen. Bato dela Rosa, Sen. JV Ejercito at iba pa, itong AKAP ay wala sa final version ng 2024 budget na inokeyan ng bicameral committee ng House at ng Senado.
Sino ang nagsingit at bakit hindi napansin nang pirmahan ang 2024 badyet ni PBBM, at ang tanong, kung naisingit, saan at paano kukunin ang pondong P26-B ng AKAP program, ano, uutangin o papatawan uli ng nakakakubang buwis si Mang Huwan at Aleng Maria?
Hindi ba napansin ni PBBM na isiningit ang ayudang mahigit na P26-B ng AKAP na sa expose ni Manang Imee, kailangang idaan muna sa opis ni Speaker Martin ang pondo bago i-release, ganun?
Ano, parang may bilyon-bilyong pera si Romualdez at wala, kahit sino ang pwedeng makialam, aba, talo pa niya ang pangulo, grabe, grabe po ito.
Iba pang ayuda ay itong Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na limos, opo, limos talaga ito sa mga taong nasa o may hinaharap na krisis sa pamilya tulad ng pambayad sa ospital, gamot at iba pang bayarin.
Di ko pa nare-research kung ilang bilyong piso ang ipinondo sa AICS.
Bilyones din marahil ang ipinondo sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Labor Department na sabi, ayuda sa mga nawalan ng trabaho at suporta sa mga dugyot na Pinoy.
May bilyones din ang Department of Health (DOH) para itulong sa mga maysakit at kapamilyang may problema sa kalusugan.
Sabi ng gobyerno ito raw ay komitment upang mapaginhawa ang dinadalang hirap sa buhay ng mga biktima ng kahirapan sa bansa.
Ito ba ang ibig sabihin ni PBBM noong unang arangkada ng pangarap na Bagong Pilipinas noong Feb. 3 sa Luneta Grandstand?
Sabi niya: “Walang magugutom sa Bagong Pilipinas.”
Kasi may ayuda, limos sa mga gutom na Pinoy.
Pero, teka, kayo ba dugyot nating readers, kasali ba kayo sa ayuda program na ito?
Teka, paano naman kaya tayo makakasali sa programang maging milyonaryo sa programa patama sa jackpot prize ng Lotto ni GM MelYonaryo Robles?
Noong birthday niya, ang wish ni FL Liza Marcos, sana raw lahat ay maging MELyonaryo at marami na nga ang naka-jackpot sa halos magkakasunod na araw ng premyong P400-600-M.
Hey, hindi po nilu-Lutto ang raffle draw ng PCSO, hindi po, hindi po!
Talaga lang maswerte ‘yung iba na close kay Sir MELyonaryo.
Iyon ang hinala ng iba, ako hindi po nagdududa.
Sir MELyonaryo, kailan mo po kami patatamain ng mga kapatid at mga bayaw ko, kahit tig P10-M, okey na kami, hehehe.
Basta, mabuhay ang PH, the Ayuda Nation ng Bagong Pilipinas!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.