Advertisers
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-inspeksiyon sa bilyun-bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska ng mga awtoridad sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas.
Pasado alas-nuebe ng umaga nang dumating ang pangulo sa Brgy. Pinagkrusan kung saan nakatambak ang mga nasabat na ipinagbabawal na droga.
Sa panayam ng media, isiniwalat ni PBBM na inaalam pa lang kung saan eksakto galing at kung sinu-sino pa ang mga kasabwat o kung saan idinaan ang shipment.
Ipinagmalaki naman ng pangulo na sa kabila ng malaking huli na ito ay walang namatay o walang nasaktan na siya naman aniyang dapat ginagawa ng gobyerno.
Ito aniya ang pinakamalaking huli ng gobyerno sa ngayon kung saan nasa 1.8 tonelada ang kabuuang bigat ng illegal drugs.
Malinaw din aniya na hindi ito niluto sa Pilipinas, ipinuslit lang ito sa bansa at talagang galing ito sa ibayong dagat.
Biniyang-diin ng presidente na kailangan pang magdoble-kayod, walang tigil ang operasyon at tuloy-tuloy dapat ang koordinasyon sa iba pang drug agencies sa ibang bansa.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na wala siyang partikular na utos sa mga enforcement agencies matapos ang malaking huli kundi hahayaan na lang niyang magtrabaho ang mga alagad ng batas at kinauukulang ahensya dahil naniniwala aniya siya na aabutan din nila ang mga sindikato.
Binigyan naman ng promosyon si Capt. Luis de Luna, hepe ng Alitagtag Municipal Police Station na ngayo’y Police Major na ang ranggo.
Matatandaang naaresto sa checkpoint si Ajalon Michael Zarate ng Project 4, Masagana, Quezon City matapos mahuli sa kanya ang 13.3 bilyong pisong halaga ng umano’y shabu habang lulan ng isang silver na van sa nasabing lugar.
Maliban kay PBBM, dumalo rin sa aktibidad sina DILG Sec. Benhur Abalos, PNP Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil, Sec. Anton Lagdameo, PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, Gov. Dodo Mandanas, at iba pang PNP at local officials. (Gilbert Perdez)