Advertisers

Advertisers

P20m koleksyon kada araw ng PCSO naibubulsa ng mga protektor, PNP Chief Marbil pinahiya ng mga hepe ng pulisya sa Batangas!

0 1,521

Advertisers

Ni CRIS A. IBON

LUMILITAW na kahiya-hiya si Philippine National Police Chief, General Rommel Francisco Marbil, sapagkat sa halip na makatulong ang kapulisan na masolusyunan ay lalo pang naging talamak ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies sa CALABARZON, dahilan ng pagkawala ng milyones na remittance ng mga STL franchise sa pamahalaan.

Noon lamang March 2024 ay nagsiyasat ang House Committee on Public Order and Safety na pinamunuan ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez at Vice-Chair Rep. Romeo Acop ng Rizal sa layunin ng Kamara na magbalangkas ng batas laban sa talamak na STL bookies operation sa pakikipagtulungan ng PNP.



Ngunit taliwas sa inaasahang positibong aksyon ng PNP, sa ilalim ni Gen. Marbil, ay lalo pang naging palasak ang STL bookies operation sa rehiyon lalo na sa Batangas.

Batay sa datus ng Kamara, nangunguna ang lalawigan ng Laguna, pumapangalawa ang Batangas, sinundan ng Cavite, Quezon at Rizal sa may talamak na operasyon ng iligal STL bookies sa bansa.



Ngunit ayon sa Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), tila nagbago na ang “ihip ng hangin” pagkat ang Batangas na ngayon ang nangunguna sa limang probinsya ng rehiyon na may pinaka-garapal at perwisyong STL bookies operation sa CALABARZON.

Ang ‘di pagtalima sa “No Take Policy” ng karamihan sa mga police chief sa mga siyudad at bayan sa lalawigan ang sanhi ng laganap na STL bookies operation, na naglagay sa malaking kahihiyan kay Gen. Marbil at sa PNP.



Ayon sa MKKB, gamit na prente ang ini-isyung franchise ng mga authorized agent corporation (AACs) ng PCSO ay malayang nakapag-o-operate ng naturang ilegal na pasugal ang mga bookies maintainer sa pakikipag-kutsabahan ng karamihan sa mga hepe ng pulisya sa Batangas.

Sa Lipa City ay kinilala ng grupo ang mga STL bookies maintainer na karamihan ay drug dealer na kinabibilangan ng “Big 4”. Binubuo ang mga ito nina alyas Ana Tomboy, Gary, Icaro, Kap Lescano, Kap Randy at mga alipores na sina alyas Boy Recto, Topher Taba, PJay, Ka Carling, Haji, Aiza, Kap Fernan, Kap Juanita, Eros at iba pang gambling con drug maintainer na kumukubra ng higit sa P2.5 million kada bola ng STL o P7.5m bawat araw sa 72 barangays ng naturang siyudad.

Isang “Samson” naman ang may tatlong dekada nang nag-o-operate ng malaking monte joint sa T.M. Kalaw, Brgy. 3, Lipa City, ngunit walang aksyon laban sa mga ito sina Batangas PNP Provincial Director Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr., Lipa City Mayor Eric Africa at kanyang hepe na su Lt. Col. Rix Villareal.

Laganap din ang operasyon ng kunyari ay lehitimong STL bookies operation sa 48 barangays sa Tanauan City. Nakakakulimbat ang may 35 STL con drug operators ng higit sa P7m sa tatlong bola ng STL bookies araw-araw. Ilan sa mga ito ay sina Ocampo, Dimapilis, Ablao, Montilla, Anghel, Lawin, Kon. Burgos, Rodel, Gerry, Ms. Bagsic, Cristy, Anabel, Lilian.

Bukod sa STL bookies, may mga saklaan din si Ocampo sa mga barangay ng Bagbag, Altura, Pantay na Bata, Ulango at Balele kasosyo ang isang alyas Baduy. Ngunit tila inutil sa pagsugpo nito sina Tanauan City Mayor Sonny Collantes at kanyang hepe na si Lt. Col. Apolinar Lunar, Jr.

Sa bayan ng Taal, naibubulsa ng STL bookies operator na si alyas Mandy at ng katiwala nitong si May Ann ang higit sa P2m kubransa sa tatlong bola ng STL bookies araw-araw. Sa mga bayan ng Lemery at San Luis ay nawawalan din ang pamahalaan ng tinataya sa P2m din sa tatlong STL draw kada araw, at ito’y napapasakamay lamang ng isang alyas Ricalde at mga protektor nito sa PNP, NBI at iba pang law enforcing units.

Sa Padre Garcia, ang operator ng bookies ay nag-aambisyong maging gobernador sa lalawigan ng Batangas bagamat taga-Nueva Ecija si alyas “Mr. Mike Romantiko”. Tagapamahala nito sa kanyang rebisahan ng taya at sakla sa naturang bayan ay ang bilas nitong si alyas “Nonit” at ang katropa nito na dating kristo sa sabungan.

Sa bayan ng Malvar ay sina Raffy, Nestor, Janog at Lito ang STL bookies operator; sa bayan ng Balete ay sina Ocampo at mga municipal government employee na sina Deo at Jeff; sa Calatagan ay sina Palacio at Hapon; Talisay, Agoncillo, Alitagtag, Sta Teresita, San Nicolas, Calatagan, Tuy, Lobo at Mabini ay si Hapon alyas Jap Reyes; sa San Jose ay si alyas Patron at sa Ibaan ay si Manny. Higit sa Php 10M ang hindi naire-remit sa PCSO mula sa mga naturang bayan.

Isinisi ng MKKB sa mahinang liderato ni Col. Malinao, Jr. kung kaya’t karamihan sa mga police chief nito sa 29 bayan at limang siyudad sa lalawigan ang hindi gumaganap sa kanilang mandato kaya’t napagsusupetsahang tumatanggap ng weekly intelhencia mula sa STL bookies con drug operators.