Advertisers
NASAWI ang isang batang opisyal ng Philippine National Police at asawa nito habang sugatan ang anak na babae nang pasukin ng gunman sa loob ng kanilang bahay sa Muntilupa City nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Police Captain Aminoden Mangonday, 40 anyos, hepe ng Muntilupa City Police Community Affair Section; at Mary Grace, 40, businesswoman, ng Ilaya St, Alabang, Muntilupa City; habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang sugatang anak na si Shasmeen Ameena, 12.
Sa report, 1:10 ng madaling araw naganap ang pamamaril sa B&Tierra Villa, L&B 2 Ilaya St., Alabang.
Nagpapahinga na ang mag-asawa sa loob ng bahay nang pasukin ito ng lalaking armado ng baril at pinagbabaril ang mga biktima.
Mabilis na tumakas ang salarin na mahaba ang buhok, may taas na 5’9”, nakasuot ng itim na jacket at itim na pantalon.
Isinugod naman sa ospital ang anak na babae upang malapatan ng lunas sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Bago ang insidente, ipinagdiwang ng pamilya ang kaarawan ng bunsong anak na babae ng araw na iyon, Sept. 15.
Pinarangalan si Mangoday bilang Outstanding Police Service Award 2024, Excellence in the Line of Service 2024 ng JCI at Philippine National Police, at Outstanding Police Community Affairs Development Junior Police Commissioned Officer award ng PNP noong July.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa krimen.(Mark Obleada/Gaynor Bonilla)