Advertisers
UMAASA si Senadora Risa Hontiveros na aminin na rin sana ni Christopher Lao, ang dating undersecretary ng Department of Budget and Management (DBM) na sangkot sa Pharmally scandal kung sino nga ba ang “big boss” na may pakana at nakinabang sa korapsyon sa bilyon-bilyong COVID–19 funds.
“Time to face the music, Atty. Lao. Oras na para harapin mo ang mga kaso laban sayo,” sabi ni Hontiveros sa isang pahayag.
“Kailangang managot si Atty. Lao at ang mga kasabwat niya, sa pang-abuso at pagkamkam sa kaban ng bayan, habang maraming Pilipino ang may sakit, nagugutom at walang hanapbuhay noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic,” pahayag ni Hontiveros.
“Finally, Atty. Lao’s arrest should serve as a lesson to all who misuse and abuse their public positions to serve evil ends. Anumang pagtatago at pag-mamagic ninyo, hindi niyo maiiwasan ang pananagutan ninyo sa batas at sa bayan,” dagdag pa ng senadora.
Naaresto si Lao sa kaniyang bahay sa Davao sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ng Sandiganbayan noong Setyembre 12.
Si Lao at 12 iba pa ay nahaharap sa kasong graft dahil sa pagkakasangot sa pinakamalaking corruption scandal noong pandemya matapos makipag-sabwatan sa pag-award ang P4 bilyong kontrata ng COVID-19 test kits sa Pharmally Pharmaceutical Corp. (Mylene Alfonso)