Advertisers

Advertisers

Duterte inamin lahat ng mga kasalanan sa kanyang ‘WAR ON DRUGS’

0 98

Advertisers

AGAD inako ni dating Pangulo Rodrigo Duterte ang lahat ng kasalanan at responsibilidad sa mga patayan sa ‘war on drugs’ sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, hiniling niya na tratuhin siya bilang testigo.

Kasunod nito, binigyang-diin ni Duterte na ang war on drugs ay para protektahan ang mamamayang Filipino at ang bansa mula sa epekto ng illegal drugs.



Ani Duterte, hindi tama na kinukuwestion ang kanyang mga naging polisiya at hindi rin siya hihingi ng apology dahil ginawa lamang niya ang nararapat para sa ating bansa.

“[M]y mandate as president was to protect the country and the Filipino people, do not question my policies because I offer no apologies, no excuses, I did what I had to do and whether you believe it or not I did it for my country,” sabi ni Duterte.



Nilinaw din ng dating Pangulo na hindi layunin ng kanyang kampanya na pumatay ng drug suspects, sa halip ay para protektahan ang mga inosente at hindi kayang idepensa ang kanilang mga sarili.

“The war on illegal drugs is not about killing people this is about the innocent and the defenseless,” aniya pa.



Layunin din niya na mawala ang mga iligal na droga sa bansa kabilang dito ang shabu, cocaine, heroine, party drugs at iba pa na nakakaapekto sa mga pamilya at sa kapayapaan ng komunidad.

Binigyang-diin pa ni Duterte na galit siya sa droga, kaya sinimulan ang ang kampanya noong siya pa lamang ang mayor ng Davao City at ipinagpatuloy noong siya ay president ng bansa.

Pero hindi aniya ipinag-utos sa mga pulis na abusuhin ang kanilang kapangyarihan at otoridad sa kampanya laban sa iligal na droga.

“Hindi ko talaga pinayagan yang abuso ng pulis o sundalo kailanman sa buong buhay ko,” diin ni Duterte.

Ayon kay Duterte, ang kanyang utos ay gamitin ito bilang self-defense.

Sa katunayan, aniya, ang kanyang turo noong siya pa ay piskal at professor sa Police Academy sa Davao City sa mga pulis na kung ang isang suspek ay ayaw sumuko, at sa tingin nito ay banta mula sa inaaresto at barilin ang suspek sa ulo.

Gayunman, sinabi ni Duterte na nakalulungkot dahil sa bumabalik na naman ang iligal na droga sa mga komunidad, kungsaan binanggit niya na may mga ginagahasa, pinapatay, ninanakawan, at kamakailan lang ay may sinalakay umano na drug den sa Malacañang complex.

Iginiit ni Duterte na sisirain ng illegal drugs ang buhay ng mga Filipino at maging ang ating bansa, at hindi aniya ito papayagan na mangyari.

Kahit siya ay isang pribadong mamamayan, gagawin niya kung ano ang kinakailangan laban sa droga.

Dagdag pa ni Duterte na sa lahat ng mga nagawa ng mga pulis dahil lamang sa pagsunod sa kanyang utos ay siya ang dapat na managot at makulong at hindi ang mga otoridad na sumunod lamang sa kanyang utos.

“I alone take full legal responsibility sa lahat ng nagawa ng pulis… Ako ang managot at ako ang makulong huwag ‘yung pulis na sumunod sa order ko. Kawawa naman nagtatrabaho lang,” hirit ni Duterte. (Mylene Alfonso)