NATAMEME si Senador Koko Pimentel nang tumestigo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ukol sa libu-libong extrajudicial killings (EJKs) sa war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Sa halos kabuuan ng pagdinig, mistulang si Duterte ang naging presiding officer ng hearing. Nabigo rin si Pimentel na pigilan ang pagmumura ni Duterte.
Dahil sa nangyari, ayaw na ni Pimentel na dumalo pa si Duterte sa mga susunod na pagdinig.
“Huwag na muna. Let’s give the airtime to the others kasi he has a way of dominating and monopolizing the time,” paliwanag ni Koko.
Samantala, pinuna ni Senador Ronald ”Bato” dela Rosa si Pimentel sa hindi patas na pagtrato nito kay Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, tila binastos ng komite si Duterte dahil hindi ito binibigyan ng pagkakataong sumagot nang maayos.
”We invited the former President to listen to him. Sana kung magsalita siya, bigyan naman natin ng time dahil pumunta siya rito,” wika ni Bato.
Aniya, binigyan ni Pimentel, bilang presiding officer ng Blue Ribbon Committee, ng pagkakataon ang ibang resource persons na malayang magsalita habang hinahayaan naman nito ang ibang senador na putulin ang sinasabi ni Duterte.
Hindi rin naitago ni Dela Rosa ang pagkadismaya sa pagpayag ni Pimentel na sumingit ang ibang senador habang siya’y nagtatanong sa dating Pangulo.
Samantala, tinawag naman ng netizens si Pimentel bilang “balimbing” dahil dati itong masugid na supporter ni Duterte bago tumalon sa minorya ng Senado.