TUMATALBOG lang sa kanilang pamilya o mismo kay Vice President Sara Duterte-Carpio ang mga atake niya sa administrasyng Marcos o mismo kay Pangulong Bongbong.
Oo! Kung susumahin natin ang mga banat ni VP Sara kay PBBM, lahat nang ito’y ginawa ng kanyang ama, ex-President Rody Duterte, at gawain din niya. Mismo!
Sinabi ni VP Sara na ang pamilya Marcos ay kilala sa political persecution. “They suppress and oppress opposition and then somebody was assasinated on the airport tarmac. So that’s the playbook. We already saw that in history so that’s my proof.”
Ang pinaslang na dating senador na si Ninoy Aquino ang pinatutungkulan dito ni VP Sara.
Sina Ninoy Aquino at ama ni PBBM na si late dictator Ferdinand Marcos, Sr. ay mortal na magkalaban noon sa politika. Si Ninoy ay pinatay sa tarmac ng NAIA, at si Marcos Sr ang prime suspect. Unsolved ang kasong ito.
Pero ang atake na ito ni VP Sara kay PBBM ay ginawa rin ng kanyang ama, ex-President Rody Duterte, sa kanilang mga kritiko tulad ni ex-Senator Leila de Lima, ex-Sen. Antonio Trillanes, at iba pang politiko na ‘di nila kaalyado at “kakompetensya” kuno sa “negosyo”.
Si De Lima ay nakulong ng halos 7 taon sa kasong gawa-gawa ni ex-Pres. Duterte, habang si Trillanes ay nakaligtas sa mga tahi-tahi ring kaso ng dating pangulo. May mga mayor ding pinapatay at pina-wanted ni Digong na nabunyag sa mga naunang imbestigasyon ng House Quad Committee.
Ang mga sinasabi ni VP Sara na korapsyon laban kay PBBM ay tumalbog din sa kanya. Oo! sa dami ng kanyang mga akusasyon laban kay PBBM, hindi niya manlang maipaliwanag kung paano nila nilustay ang P612.5 milyong confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) na dalawang taon din niyang pinamunuan bago magbitiw ilang buwan na ang nakararaan.
Itong confi at intel funds ang masusing iniimbestigahan ngayon ng House Quad Comm on Good Governance and Accountability na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua.
Huling huli sa mga pagtatanong ng mga kongresista na ang P612.5m confi at intel funds ng OVP at DepEd ay nilustay sa kawalan. Dahil wala manlang maipakitang resibo rito ang kampo ni VP Sara. Nag-imbento pa sila ng “bogus” na pangalang “Mary Grace Piattos” bilang isa sa mga nakinabang ng milyones na pondo.
Ang Mary Grace ay taga-gawa o tindahan ng sikat na cake, at ang Piattos ay pangalan ng chichiria. Animal!
Speaking of intel funds, nabunyag din na ang mag-aamang Duterte (Rody, Polong at Sara) ay nagkaroon ng bilyones na intel funds noong magkakasunod silang naging mayor ng Davao City.
Palusot ni VP Sara, ang intel at confi funds ay hindi dapat pinag-uusapan o hindi dapat iniimbestigahan, ayon daw ito sa batas.
Pero sa katotohanan, walang batas na nagbabawal pag-usapan o imbestigahan kung saan ginastos ang confi at intel funds.
Ang pondong ito, taxpayers money, ay mino-monitor ng Commission on Audit (COA). Oo! mayroong special body ang CoA na bumubusisi sa confi at intel funds. Kahit nawawalang singko sintemos ay hinahanap dito ng CoA. Mismo!
Kaya nga nabuking na sa mga walang kuwentang bagay at walang resibo napunta ang P612.5 million confi at intel funds ng OVP at DepEd.
Malamang na busisiin din ng Quad Comm ang naging intel funds ng mag-aamang Duterte noong magkakasunod silang naging mayor ng Davao City. Bilyon bilyong piso ‘yon, mga pare’t mare. Subaybayan!