SUGATAN ang isang negosyante nang barilin ito ng hindi pa nakikilalang gunman sa harap ng gusali ng korte sa Barangay Balubal, Sariaya, Quezon, Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ng Sariaya Police ang biktima na si Jethro Peñaflor Ong, 43 anyos, ng Barangay Malabanban Norte, Candelaria.
Ayon sa report, dadalo sa hearing sa Family Court ang biktima nang paputukan ito ng ilang beses ng lalaki habang nasa loob ito ng kanyang Toyota Land Cruiser na nakaparada sa tapat ng korte, 8:20 ng umaga.
Tumakas agad ang salarin, samantalang isinugod ng mga rumespondeng miyembro ng Sariaya emergency response team ang biktima sa Sariaya Ace Medical Center dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.