Advertisers
GASGAS at lumang istilo ng pamahalaang lungsod ng Caloocan at ng Rizal PNP upang maipakita na kunwari ay inaaksyunan ng mga ito ang inirereklamong mga pasugalan na prente din ng kalakalan ng iligal na droga, na umani ng katakot-takot na batikos mula sa mga grupo ng civic at religious group sa naturang siyudad at lalawigan.
Ayon sa Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), mala-pelikulang tagpo ang police operation na nasaksihan ilang araw pa lamang ang nakaraan laban sa pergalan (peryang sugalan) na ino-operate ng isang alyas “Roger Bagong Barrio” at ng mga partner nitong sina Nesty at Resty nang dumating ang mga pulis sa mga pasugalan sa Grace Park, Caloocan City.
Pansamantalang ipinahinto ni Roger Bagong Barrio ang mga sugal na color games, beto-beto, drop ball, kalaskas, cara y cruz (Tao-Ibon) at iba pang klase ng ilegal na sugal, at binigyang daan ang senaryong halatang scripted upang ipakita ang kunwari ay pag-aksyon ng pulisya laban sa mga pasugalang matagal nang inirereklamo, ngunit walang humpay at halos 24/7 paring nakapag-o-operate sa barangay na nasasakupan ni Chairman Frankie Silva.
Dahil sa nagkikislapang camera ng sumusubaybay na mga reporter kuno sa nakakabilib na anti-gambling drive ay talaga namang “wow na wow” at pogi point ang dating nito para kay Caloocan City Mayor Dale “Along” Malapitan.
Kaya tuwang-tuwa naman ang mga concerned citizen at silent majority ng Grace Park at ng mga kanugnog na barangay pagkat inakalang sa wakas ay naaksyunan narin ni Mayor Along ang matagal na nilang panawagan na patigilin kung hindi man maipaaresto at kasuhan ang gambling con drug operator na si Roger Bagong Barrio at sina Nesty at Resty.
“Poste” ang tawag kina Nesty at Resty pagkat mistulang poste sila ng Meralco sa paligid ng mga pasugalan ni Roger Bagong Barrio, kayat kampante ang mga magsusugal na hindi sila mabubulabog at masasakote sa naturang pasugalan pagkat nag-aabang o nakabantay sina Nesty at Resty sa maaring pagdating ng mga awtoridad.
Kapag may dumadating na kalaban (pulis,NBI o CIDG) at iba pang law enforcement officers, kaagad sinasalubong nina Nesty at Resty at karakang iniaabot ang nakahandang sobre na naglalaman ng libu-libong payola sabay bulong na “nakatimbre na po ito kina Mayor at Sir”.
Kaya naman balewala ang atas ni Mayor Along kay Caloocan City Police Chief, Col. Paul Jady Doles, na “total clamped down and stop gambling operation” ang pergalan sa Grace Park.
Ibinunyag din ng MKKB ang katulad na style ng kunwari ay anti-gambling operation sa Caloocan City na ginagawa din sa lalawigan ng Rizal, partikular sa mga pwesto ng pergalan ng isang alyas Boy Life at dyowa nitong si alyas Evie sa bayan ng Angono, at Riverside (Ilog) sa bayan ng Montalban.
Iniulat ng MKKB na mas matindi at lalong garapal ang illegal gambling at drug operation sa ipinatayong pergalan ni Boy Life at Evie ngunit dedma, walang aksyon at mistulang inutil laban dito sina Rizal PNP Provincial director Col. Felipe Maraggun at Rizal Governor Nina Ricci Ynares.
Hindi magawang matinag nina Angono Police Chief, Lt Col. Ariel Azurin; at Montalban Police Chief, Lt Col. Arnulfo Silencio, ang sandamakmak na sugal na color games, beto-beto at ng iba’t ibang madadayang uri ng pasugal nina Boy Life at Evie pagkat takot ang mga ito sa ex-convict na Boy Life at sa drug pusher na partner nitong si Evie.
Ipinagmamalaki ng dalawa na may malalim na koneksyon sila kay PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, at maging sa Duterte Die Hard Supporter (DDS) na Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Upang maipakitang kunwari ay umaksyon naman sina LtCol. Azurin at LtCol. Silencio ay sa halip na sakotehin sina Boy Life at Evie ay mistulang kandidato ang mga pulis na sumugod sa pasugalan ng mag-jowang pergalista. Sandaling ipinatigil ang operasyon ng mga pasugalan doon at matapos na mag-picture-picture ay itinuloy na ulit ang inirereklamong mga ilegal na pasugal.
Ayon sa MKKB, may ulat na nakarating sa kanila na ang mga “picture-picture” ay ipinadala ng mga police chief, ng tanggapan nina PD Col Maraggun sa Punong Tanggapan ni PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas bilang ebidensya o patunay na walang operasyon ng ilegal na sugal sa Rizal o buong hurisdiksyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) graduate na si Col. Maraggun. (CRIS A. IBON)