Advertisers
NASAWI ang dalawang kasapi ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ambush sa isang mataong lansangan sa Cotabato City hapon ng Huwebes, October 22.
Kinilala ang mga nasawi na sina PCG Ensign Reniel Agpalo at Ensign Louther Vitor.
Sa report, sakay ang mga biktima ng isang kulay maroon na Toyota Innova, kasama ang kanilang superior na si Lt. Commander John Paul Cabarrubias, nang tambangan sila sa isang bahagi ng Roman Vilo Street sa Cotabato City.
Hindi kalayuan sa pinangyarihan ng ambush ang PCG Station ng Cotabato City.
Papunta ang mga biktima sa kanilang himpilan nang pagbabarilin ng mga lalaking armado ng mga pistola ang kanilang sasakyan. Nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang mga katawan sina Agpalo at Vitor.
Ayon sa officials ng Cotabato City Police Station 1 at mga local executive nag-responde sa insidente, nakatakas ang mga salarin sa kalagitnaan ng kaguluhang dulot ng sunod-sunod na mga putok ng baril.
Kapwa idineklarang dead on arrival sina Agpalo at Vitor ng mga doktor sa isang ospital na pinagdalhan sa kanila.
Nakaligtas at hindi nasugatan si Cabarrubias, hepe ng Cotabato City PCG Station, sa pag-atake.
Nakikipagtulungan ang mga imbestigador ng pulisya at mga lokal na opisyal upang matukoy ang mga salarin na nakatakas sakay ng mga motorsiklong ginamit bilang getaway vehicle.
Ayon sa mga lokal na opisyal, may mga indikasyon na posibleng may alitan, na may kaugnayan sa trabaho, ang mga umatake at ang isa sa tatlong miyembro ng PCG na tinambangan.