May kabuuang 672 residente ang nakatanggap ng Certificate of Lot Allocation (CELA) sa pamamagitan ng mga hakbangin ng Housing and Relocation Office (HARO) ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa isang seremonya ng pagtanggap na pinangunahan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.
Ang mga benepisyaryo, na nagmula sa Barangay 21, 25, at 33, sinisiguro na ngayon sa unang hakbang sa pagpapalabas ng buong titulo ng lupa na pabor sa kanila sa pamamagitan ng pagkakaloob ng CELA.
Aminado si Mayor Along na bagama’t ang pagkakaloob ng nasabing mga sertipiko, hindi bahagi ng kanyang inisyal na pangako sa kampanya, lubos na nagsisikap ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng kanyang administrasyon upang matiyak na magkakaroon ang mga residente ng Caloocan ng seguridad sa pagmamay-ari ng kanilang mga ari-arian, lalo na ang mga nasa kailangan.
“Batid ko po na hindi ko po ito ipinangako noon, ngunit tiniyak po natin na tumulong-tulong ang buong pamahalaang lungsod upang tuluyang maibigay sa mga benepisyaryo ang CELA ng lupa na kanilang kinamulatan, at maging panatag ang kanilang loob pagdating sa kanilang ari- arian,” wika ni Mayor Along.
Tiniyak din ng City Mayor sa kanyang mga nasasakupan na mas maraming benepisyaryo ang tatanggap ng CELA sa mga susunod na buwan upang protektahan ang kanilang mga interes sa pagmamay-ari sa mga ari-arian na kanilang ipinaglaban sa mga dekada, bilang karagdagan sa mga kasalukuyang programang low-cost housing na ipinatutupad ng pamahalaang lungsod.
“Sa lahat po ng mga Batang Kankaloo, makakasiguro po kayo na titiyakin natin na wawakasan na natin ang deka-dekadang pakikipaglaban ninyo upang pangalagaan ang inyong mga lupa sa pamamagitan ng mas marami pang benepisyaryo ng CELA,” pahayag pa ni Mayor Along.
“Kasabay pa nito ang pagtutok natin para makatulong sa ating mga kababayan na magkaroon ng murang pabahay, para sa kinabukasan nila at ng kanilang pamilya,” dagdag pa ni Malapitan.(BR)