Advertisers
Sa Hunyo 30 pa pormal na mag-uumpisa ang totoong trabaho ni newly elected Manila Yorme Isko Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza, pero ngayon pa lamang, inuumpisahan na nila ang mga bagong hakbang na gagawin upang maibalik ang dating ninging at dangal ng Maynila.
Iba talaga ang Yorme’s Choice, hindi nagkamali ang mga botante ng Maynila na sila ang iluklok uli upang timonan ang pagbabalik ng ganda, ang malinis na kapaligiran at ang maayos na gobyerno para sa Manilenyo.
Siyempre, ang di-matutumbasang pasasalamat niya sa mamamayan ng Maynila, mantakin naman natin, aba, todo ang suporta at botong ibinigay nila sa Yorme’s Choice!
Natatandaan ko ang isa sa sinabi ni Yorme Isko noong kampanyahan, aniya: “Kayo, mga lolo, lola, mga nanay ko, tatay ko, mga Batang Maynila, kayo ang buong lakas ko, kayo ang nagpapatatag sa akin, at payagan lamang po ng Amang nasa Itaas nating lahat, sa tulong nyo, sa suporta nyo, together we will make Manila great again.”
Alam ko, hindi iyon salita lamang, kasi ramdam ko ang taginting, ang sinseridad ng sinabi niyang iyon ni Yorme Isko: Gagawin niya ang lahat upang maibalik ang malaking pagtitiwalang ibinigay sa kanila ni Vice Mayor Atienza at mga kasama sa partido.
Noon ngang maiproklama sila, walang mapiling salita si Yorme upang maitawid ang puspos na pasasalamat, at yung crowd na sumaksi ay sinabi niya: “I have no words but thanks to the people of Manila. I am grateful to each and every citizen of the City.”
Yung pangako niya na maglilingkod nang matapat, sabi nga, e maitataga sa bato, at ang sigaw, palakpak ng mga kaharap na Manilenyo, sinabi ni Yorme na gagawin niya ang lahat upang maging mabuting alkalde ng siyudad.
Alam niya, pati si Vice Mayor Chi, na hindi biro ang bigat ng responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat, kaya bumilib ako sa isa sa unang sinabi niya tungkol sa paghingi ng patawad at alok ng pakikipagkaisa sa mga nakatunggali sa eleksiyon.
Apila ni Isko ay ito na makaantig-damdamin: “Nananawagan ako sa inyo, let’s start healing each other. Kung may hurtful words from them to us, and to you, I know, but, let’s be magnanimous in victory.”
Sana nga po, mangyari ang nais ni Yorme Isko, at magkaroon ng pagkakataon na makapag-usap sila ng kanyang ate, Mayora Honey Lacuna, si Cong. Sam Verzosa — na unang tumanggap ng pagkatalo — na magkapatawaran sila.
Alam ni Yorme, magiging mahirap ayusin ang lungsod kung may mga problema na hahadlang sa mga naisin niyang mapaunlad ang Maynila.
***
Ang ginawa niya noon, pangako ni Yorme Isko, ay gagawin niya uli, at sana mahigitan pa, at nalaman natin, isa sa unang gagawin nila ni Vice Mayor Ate Chi ay linisin, ayusin ang lahat ng kalsada sa Maynila.
Siyempre, kung madatnan mong magulo ang kwarto mo, hindi ka makapagtatrabaho nang maayos kung magulo, kalat-kalat ang dumi, nakahambalang ang mga gamit.
Tama ang unang order sa unang araw ng trabaho: Cleanliness at linisin ang lahat ng marumi, at ang uunahin, ang Divisoria, Recto Avenue, Taft Ave., Quiapo, ang mga palengke, mga parke, ang Lacson Underpass, Liwasang Bonifacio, at ang mga pugad ng bisyo, kuta ng mga tolongges at ang mga nagsiga-sigaan.
Isa sa commitment niya, matatandaan ay ang pangako na bibigyan ng kapanatagan sa araw, tanghali, sa hatinggabi, sa madaling-araw at buong linggo, sa araw-araw ang Manlenyo.
Kaya sa isang interview ni Pinky Webb, nagbigay na siya ng babala at ito sabi niya ay “fair warning” sa lahat, kahit sa mga opisyal ng lungsod.
“Wag silang lalabag, Of course, fair warning sa lahat,” sagot ni Yorme kay Webb, at kahit pa sila — kung lalabag sa batas, kahit pa congressman sila.
Kung may nagawang mali sa mamamayan ng Maynila, at lumabag sila sa batas, malinaw ang warning ni Yorme. “Pag mali sila, mali sila.”
“The people of Manila deserves better… no abuse will be done by these comgressmen,” mariin at matatag na babala ni Yorme.
Wow!, sigurado ako na ang Manilenyong nakarinig ng babalang ito ni Yorme Isko ay nakaramdam ng ginhawa, ng panatag na pagtitiwala, walang abuso na hindi makatanggap ng katapat na ganting parusa, ayon sa batas.
Kung kailangang arestuhin, ang pangako ni Yorme, gagawin upang maging matatag, malinis, maayos at panatag ang Maynila.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.